4,767 total views
Nangangamba si San Carlos Diocesan Social Action Director, Fr. Ricky Beboso, sa posibleng epekto ng patuloy na pagbuga ng makapal na usok at abo mula sa bulkang Kanlaon sa mga kalapit na pamayanan.
Ayon kay Fr. Beboso, ang patuloy na pagtaas ng aktibidad ng bulkan ay nagdudulot ng pangamba hindi lamang sa kaligtasan, kundi pati na rin sa kalusugan, lalo na ng mga may sakit sa baga, kabataan, at matatanda.
“Patuloy ang monitoring naming dito sa San Carlos dahil sa araw-araw na paglabas ng abo mula sa bulkan na maaaring maging delikado sa kalusugan ng mga komunidad,” ayon kay Fr. Beboso sa panayam ng Radio Veritas.
Binigyang-diin din ng pari ang agarang pangangailangan ng mga inilikas na residente, tulad ng face masks, maiinom na tubig, pagkain, mga gamot, at bitamina upang matiyak ang kanilang kalusugan sa gitna ng krisis.
Noong Setyembre, una nang iniulat ni Fr. Beboso ang pagpapalikas sa mga residente sa loob ng four-kilometer radius permanent danger zone ng Mount Kanlaon, at binabalak pang palawakin ito sa anim na kilometro upang matiyak ang kaligtasan.
Samantala, tiniyak naman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang patuloy na pagbabantay sa kalagayan ng Bulkang Kanlaon, na nananatili sa Alert Level 2 o unrest level dahil sa tuloy-tuloy na volcanic earthquakes at paglabas ng sulfur dioxide.