4,330 total views
Umaasa ang mga naulilang biktima ng extra judicial killings na makakamit ang katarungan at mapapanagot ang mga nagkasala sa ipinatupad na marahas na drug war ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa ginaganap na pagdinig ng Quad Committee ng Mababang Kapulungan.
Ito ang panalangin ng mga naulila sa ginanap na Misa para sa Katarungan na idinaos sa People’s Center sa Mababang Kapulungan kung saan ginaganap din ang ika-11 Quad Committee hearing.
Kabilang sa dumalo sa pagdinig ng joint panel si dating Pangulong Duterte, dating Senator Leila de Lima, at Fr. Flavie Villanueva ng Project Paghilom, kasama ang mga balo at naulila sa EJK na resulta ng drug war.
Ayon kay Fr. Joselito Sarabi, CM isa sa mga paring kasama ng mga pamilya ng mga biktima ng EJK, patuloy ang kanilang panalangin na makakamit ang katarungan at mapanagot ang may sala sa mga pagpaslang.
“I hope na mabuksan ang isip ni Duterte na magkaroon siya ng kaunting ng habag sa mga pamilyang ito, yun lang ang ipinagdadasal natin. At sana makita niya ang kasamaan na dulot ng aksyon, desisyon nya especially ang drug war,” ayon kay Fr. Sarabia sa panayam ng Radio Veritas.
Isang welcome development naman ayon sa pari ang naging desisyon ng dating Pangulo sa pagdinig makaraan ang ilang ulit na paanyaya ng joint panel.
“Isang face-off talaga ito, ang mga nanay dito ay natuwa na may pagkakataon sila na makita si Rodrigo Duterte pra ipahiwatig ang kanilang damdamin. Marami sa kanila ay humihingi ng hustisya,” ayon sa pari.
“Nawa, makakita din sila na may kakampi din sila lalo na sa simbahan na itaguyod ang hustisya para sa mga napaslang. Ang wish talaga ay panagutin ang Duterte administration, si President Duterte, si Bato, si Bong Go na sana makuling sila. Dahil sobrang sama ng idinulot nito sa mga buhay ng mga Filipino, lalo na ang kga maralita, maraming namatay at naulila na mga bata,” ayon pa kay Fr. Sarabia.
Naulila at balo ng EJK
Muling nanumbalik kay Teresita Campo, 75 anyos, ina ng isa libo-libong biktima ng EJK na si Junald Campo, 31, ng Payayas, Quezon City na napaslang noong November 2016, ang galit at sakit sa pagkamatay ng kaniyang anak dahil madugong drug war na ipinatupad ng nakalipas na administrasyon ng dating Pangulong Duterte .
“Nag-iisa na lang ako, siya lang ang kasama ko (Junald), na bumubuhay sa amin. Ngayon nag-iisa na ako,” ayon kay Campo.
Dagdag pa ng Ginang: “Nagkaroon ako ng galit at sama ng loob sa kaniya (Duterte). Ang daming naging biktima. Sana, mabigyan kami ng katarungan.”
Si Gng. Campo ay isa sa 100 pamilya ng EJK na nagtungo sa People’s Center sa House of Representatives upang harapin ang dating Pangulo sa pagdalo nito sa ikalabing isang pagdinig ng Quad committe ng Mababang Kapulungan ngayong November 13.
Ang mga naulilang mga pamilya ng EJK ay mula sa Barangay Camarin, Holy Spirit, at Payatas kasama ang grupo ng ng Rise up for Life and for Rights at Project Paghilom-isang institusyon ng simbahan na kumakalinga sa mga balo at naulila ng mga biktima ng EJK na pinamumunuan ni Fr. Flavie Villanueva.
Bago ang pagdinig, isang misa para sa katarungan ang idinaos sa Kamara na pinangunahan ni Fr. Villanueva, Fr. Bong Sarabia at ilan pang mga pari bilang pakikiisa sa patuloy na pagluluksa ng mga pamilya ng EJK na hanggang ngayon ay naghahanap pa rin ng katarungan, dulot ng madugong drug war na ipinatupad ng dating Pangulo.
Sa mga nakalipas na pagdinig, lumalabas sa testimonya ng mga testigo na ang mga pagpaslang ay sinasabing state sponsored lalo’t ilan na rin ang nagsabi sa pag iral ng reward system o pagbibigay ng pabuya sa bawat pagpaslang.
Bukod sa dating Pangulo, kabilang din sa mga isinasangkot sa anti drug war ang dating PNP chief na ngayo’y Senador na si Ronald dela Rosa, at Sen. Christopher Go na kilalang matagal nang katiwala ng dating Pangulo, ayon na rin sa salaysay nina dating PCSO General Manager Royina Garma, na kamakailan ay lumabas ng bansa, at inaasahang ibabalik Pilipinas ngayong araw.
Sa ulat ng human rights group, aabot sa 30-libo ang bilang ng mga napaslang, kung saan higit sa 100 sa mga ito ay pawang mga inosente at menor-de-edad.