72 total views
Inaanyayahan ng Pontifical Foundation Aid to the Church in Need (ACN) Philippines ang mamamayan na makiisa sa paggunita sa mga kristiyanong inuusig dahil sa paninindigan sa pananampalataya.
Hinimok ni ACN Philippines President, Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang mga simbahan at buong pamayanan na makilahok sa taunang Red Wednesday campaign sa November 27 bilang pagdamay sa mga kristiyanong nakararanas ng karahasan sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
Aniya ang pagpapailaw ng kulay pula ay tanda ng pagparangal at pag-alala lalo na sa mga nasawing kristiyano.
“Let us remember our persecuted Christians worldwide. I invite the schools to light the facade of the schools with red, to light the facade of churches with red and at home please put out a red vigil light outside your door. It is a symbolic gesture of our communion to our suffering brothers and sisters in many different parts of the world,” paanayaya ni Archbishop Villegas.
Ibinahagi ng arsobispo ang personal encounter nito sa naulilang Nigerian national dahil sa pang-uusig kung saan malugod na tinanggap ang sinapit ng pamilya at itinuring na pagyakap sa krus ni Hesus at umaasang nakikidalamhati at nakikiisa ang buong mundo sa sinapit ng mga biktima ng karahasan.
Binigyang diin ni Archbishop Villegas na ang taunang Red Wednesday campaign ay tanda ng pakikiisa sa mga biktima ng christian persecution at panalangin sa mga lugar na patuloy nahaharap sa banta ng panganib at karahasan dahil sa pananampalataya.
Tema ng Red Wednesday ngayong taon ang ‘One in Suffering, One in Consolation’ kung saan pangungunahan ni Archbishop Villegas ang pagdiriwang sa Minor Basilica of Our Lady of Manaoag na magsisimula sa alas kuwatro ng hapon sa pagdarasal ng santo rosaryo na susundan ng Banal na Misa, pagsisindi ng kandila at pagpapailaw ng pula sa harapan ng simbahan.
Unang lumahok ang Pilipinas sa Red Wednesday noong 2017 kung saan 82 ecclesiastical territories, churches at universities ang nakibahagi.
January 2020 nang pinagtibay ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pakikibahagi ng bansa sa taunang pagdiriwang ng Pontifical Foundation para sa mga persecuted Christians.
Sa datos ng Open Doors nasa 317 milyong kristiyano ang nahaharap sa matinding banta ng karahasan sa 50 mga bansa, isa sa bawat pitong kristiyano ang inuusig sa buong mundo kung saan sa Asya naitala naman ang dalawa sa bawat limang kristiyano ang inuusig.
Halos limang libong kristiyano ang pinaslang, nasa 14, 766 simbahan at christian facilities ang sinira habang 4, 125 naman ang mga kristiyanong ikinulong.