11 total views
Hinihiling ni Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao na higit pang lumalim ang pananampalataya at pag-asa ng sambayanang Pilipino sa pagharap sa hamong dala ng mga sakuna.
Dalangin ni Bishop Mangalinao ang katatagan at kaligtasan ng lahat upang makabangon muli sa mga nararanasang pagsubok, at patuloy na magtiwala sa kalooban ng Diyos na Siyang magbibigay-lakas at magliligtas sa kabila ng mga panganib.
Panalangin ng Pag-asa at Katatagan sa Gitna ng Unos
O Mahal naming Ama,
patuloy kaming naninikluhod sa Inyong mapagmahal na kalooban.
Bigyan Mo po kami ng malalim na pananalig sa Iyong pagmamahal.
Habang ang mga mapinsalang bagýo ay dumaraan sa aming bansa,
mas maging matatag nawa ang aming paniniwala.
Habang kami ay nasasaktan sa hampas ng malalakas na hangin at ulan,
maging mas mahigpit nawa ang aming paghawak sa Iyong nagliligtas na mga kamay.
Habang ang kapaligiran ay napupuno ng bahá,
mas lumutang nawa ang aming pag-asa sa Iyong kakayahang maibangon muli
ang aming buhay at kabuhayan.
Panginoon, sa Iyo kami umaasa;
sa Iyo kami nananalig;
sa Iyo kami kumukuha ng lakas;
sa Iyo kami nabubuhay.
Ama, magmadali po Kayo sa pagtulong sa amin!
Amen!
MOST REV. JOSE ELMER I. MANGALINAO, D.D.
Bishop, Diocese of Bayombong
Samantala, ibinahagi ni Bayombong Diocesan Social Action Center (DSAC) Director, Fr. Christian Dumangeng, na patuloy ang pagtulong ng diyosesis sa mga nasalanta ng nagdaang Bagyong Nika.
Ayon kay Fr. Dumangeng, namahagi ang DSAC ng relief goods sa mga apektadong lugar, lalo na sa lalawigan ng Quirino, na labis na napinsala ng bagyo, gayundin sa ilan bahagi ng Nueva Vizcaya.
Tinatayang nasa halos 1,000 katao mula sa Quirino at Nueva Vizcaya ang nananatili sa mga evacuation centers.
“Nagsagawa po kami ng relief operations sa province ng Quirino, which is part ng Diocese of Bayombong, at ngayon naman to some parts of Nueva Vizcaya. Still recovering pa rin ang mga affected ng Bagyong Nika. Mostly flooding ang dahilan ng kanilang paglikas,” ayon kay Fr. Dumangeng sa panayam ng Radyo Veritas.
Patuloy namang binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration PAGASA) ang Bagyong Ofel, na humihina habang kumikilos papalabas ng Philippine Area of Responsibility.
Samantala, itinaas na sa typhoon category ang Bagyong Pepito, na patuloy pang lumalakas habang papalapit sa bansa.
Posible itong umabot sa super typhoon category at inaasahang magla-landfall sa Eastern Bicol o Aurora sa Linggo, kung saan maaaring umabot ang wind warning sa Signal No. 5.
Paalala ng PAGASA na maaari pang magbago ang track forecast ng Bagyong Pepito, kaya’t hinihikayat ang publiko na manatiling nakaantabay sa mga ulat.