14 total views
Obispo, ipinag-utos na buksan ang lahat ng simbahan sa Sorsogon sa evacuees
Ipinag-utos ni Sorsogon Bishop Jose Alan Dialogo na buksan ang lahat ng mga simbahan sa diyosesis bilang pansamantalang matutuluyan ng mga magsisilikas dulot ng banta ng Typhoon Pepito.
Ayon kay Caritas Sorsogon executive director, Fr. Ruel Lasay, layunin nitong matiyak ang kaligtasan ng mga pamilyang lumikas mula sa mga lugar na delikado sa pagguho ng lupa at pagbaha.
Bukod dito, nakahanda na rin ang 1,500 prepositioned goods na ipapamahagi ng social arm ng Diyosesis ng Sorsogon sa mga apektadong pamilya.
“Ang lahat ng simbahan dito sa Sorsogon ay pinabuksan ng ating mahal na obispo para sa ganoon ma-welcome natin ang mga higit na nangangailangan. At dahil doon, patuloy kaming nagsisikap na matugunan ang pangagailangan ng ating mga kababayan lalo na ang mga masasalanta at maapektuhan nitong bagyong ito,” pahayag ni Fr. Lasay sa panayam ng Radyo Veritas.
Ibinahagi rin ng pari na kahapon ay pinangunahan ni Bishop Dialogo ang pagpupulong kasama ang mga kura paroko at kinatawan ng lahat ng mga parokya upang pag-usapan at paghandaan ang posibleng epekto ng Bagyong Pepito.
Matapos ang pagpupulong, naglabas ng liham sirkular ang diyosesis na nananawagan ng pagtutulungan at pagkakaisa sa pagharap sa hamon ng kalikasan.
Hinikayat din ni Fr. Lasay ang lahat na manalangin para sa kaligtasan ng bawat isa, at magbahagi ng donasyon bilang karagdagang suporta sa pagtugon sa pangangailangan ng mga apektadong pamilya.
“Humihingi po kami sa inyo ng panalangin, at kung mayroon din po kayong maitutulong—in-kind or in-cash donations—bukas po ang aming Caritas Sorsogon Foundation,” ayon kay Fr. Lasay.
Kabilang ang Diyosesis ng Sorsogon sa mga lubhang naapektuhan ng Bagyong Kristine noong Oktubre, at ngayon nama’y pinaghahandaan ang banta ng Bagyong Pepito na inaasahang lalakas pa sa super typhoon category.
Sa nakalipas na apat na linggo, limang bagyo ang dumaan sa bansa at nagdulot ng pinsala, kabilang ang Bagyong Kristine, Leon, Marce, Nika, at Ofel, habang inaasahan naman ang epekto ng ikaanim na bagyo, ang Pepito.