3 total views
Nakahanda na ang social at humanitarian arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para sa posibleng epekto ng binabantayang Super Typhoon Pepito.
Pinaalalahanan ni Caritas Philippines president, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, ang lahat na isaalang-alang ang kaligtasan ng sarili at mga mahal sa buhay, at maging handa sa mga magiging epekto ng sakuna.
Binigyang-diin ni Bishop Bagaforo ang kahalagahan ng pagtutulungan upang makapaghatid ng ginhawa, lakas, at pag-asa, lalo na sa mga pamilyang maaapektuhan ng Bagyong Pepito.
“As Typhoon Pepito approaches, let us prioritize safety and prepare for its potential impact. Caritas Philippines is ready to extend our hands to those in need. Let us open our hearts and share whatever we can to uplift those who will be most affected. Together, we can bring comfort, hope and strength to one another. Let’s go all out and be ready. All hands on board tayo,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng Caritas Philippines sa mga diyosesis, lalo na sa mga daraanan ng Super Typhoon Pepito, upang agarang matugunan ang pangangailangan lalo na ng mga pamilyang nagsilikas.
Batay sa huling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), nagbabanta ang matinding pinsala at mapanganib na kalagayan sa hilagang-silangang bahagi ng Bicol Region dahil sa patuloy na paglakas ng Super Typhoon Pepito.
Nakataas na ang Signal No. 5 sa Catanduanes, habang Signal No. 4 sa hilagang-silangang bahagi ng Camarines Sur at hilagang- silangang bahagi ng Albay.
Samantala, Signal No. 3 naman sa Polillo Islands, timog-silangang bahagi ng mainland Quezon, Camarines Norte, mga nalalabing bahagi ng Camarines Sur at Albay, hilagang bahagi ng Sorsogon, silangan at gitnang bahagi ng Northern Samar at hilagang bahagi ng Eastern Samar.
Hinihikayat ang lahat ng apektadong residente na makinig sa mga babala ng PAGASA at sumunod sa mga utos ng lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan.