43,474 total views
Mga Kapanalig, ilang buwan nang kinikilatis ng ating mga mambabatas ang paggastos ng pondo sa mga opisinang hinawakan at hinahawakan pa ni Vice President Sara Duterte: ang Department of Education (o DepEd) at ang mismong Office of the Vice President. Nababahiran ng kontrobersya ang mga opisinang ito at si VP Sara mismo dahil sa mga kwestyonableng paggamit ng pondo ng bayan.
Nagsimula ang mga imbestigasyon tungkol sa pondo ng mga opisinang ito noong 2023 nang malaman na ang OVP ay gumasta ng 125 milyong pisong confidential funds sa loob lamang ng labing-isang araw noong 2022. Dagdag pa rito ang unaccounted na 11.5 milyong piso mula sa 15 milyong pisong confidential funds na inilaan para sa youth leadership summits at information education campaign. Kamakailan naman, nalaman ng mga kongresistang ang DepEd at OVP ay nagpasa sa Commission on Audit (COA) ng 158 na questionable at falsified documents katulad ng acknowledgment receipts para patunayan ang disbursement ng 23 milyong pisong confidential funds ng dalawang opisina.
Hindi nagustuhan ng mga mambabatas ang sagot ng bise presidente sa mga tanong kung paano ginamit ng mga opisinang hinawakan o hinahawakan niya ang inilaang badyet sa mga ito. Sa isang budget hearing noong Agosto, tumangging sagutin ng VP ang mga tanong. Magsasayang lang daw sila ng oras. Sa isang hiwalay na hearing, hindi naman nanumpa si VP Sara bilang resource person at umalis kahit kakasimula pa lamang ng session. Para sa kanya, ang mga hearing na ito ay mga political attack laban sa kanya.
Katanggap-tanggap ba para sa inyo, mga Kapanalig, ang inaasal ng ating bise presidente at ang pagsagot niya sa mga tanong tungkol sa paggamit ng pondo ng mga opisinang pinangangasiwaan niya? Tatanggapin ba natin na ang ating mga ibinotong pinuno, anuman ang kanilang posisyon sa gobyerno, ay hindi sumasagot nang buong katapatan at katotohanan sa kung paano nila ginagamit ang perang galing din naman sa atin? Dapat lamang na alamin ang katotohanan sa likod ng samu’t saring alegasyon ng korapsyon at katiwalian sa dati at kasalukuyang ahensyang hawak ng bise presidente. Dapat siyasatin ang mga umano’y tiwaling gawain at papanagutin ang nasa likod ng mga ito.
Pinaalalahanan tayo ng Simbahan na ang katotohanan ay isang mahalagang social value upang magkaroon tayo ng maayos at makataong lipunan. Ayon sa panlipunang turo ng Simbahan, ang katotohanan ay kailangan upang maresolba ang mga isyung panlipunan at upang maiwasan ang pang-aabuso. Kailangan ito para kumilos tayo alinsunod sa kung ano ang tama at matuwid. Ang isang makatotohanang pagtingin sa ating pamamahala ay magbubunga ng transparency at honesty sa paggamit ng ating pondo at accountability sa ating mga lider.
Mga Kapanalig, pinaalalahanan tayo ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo ni San Marcos 12:48 na “[a]ng binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng marami; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong marami.” Ang mga pinuno ng ating bayan ay hindi mga hari at reyna na nagmamay-ari ng kaban ng bayan. Gaya ng tapat na alipin sa Ebanghelyo, ang ating mga pinuno ay mga lingkod dahil sila ay ating pinagkatiwalaan ng marami. Pinagkatiwalaan natin silang pagsilbihan ang mahihirap at nasa laylayan ng lipunan, at pairalin ang kabutihang panlahat. Ang kaban ng bayan ay sa ating mga taumbayan, kaya dapat natin itong ipagtanggol laban sa pang-aabuso.
Mga Kapanalig, karapatan at tungkulin nating kuwestyunin at ireklamo ang mga tiwaling gawain ng ating mga pinuno lalo na kung pondo ng bayan ang nakasalalay. Obligahin natin ang katapatan ng ating mga pinuno sa kanilang paglilingkod at pairalin natin ang katotohanan sa pag-iingat sa kaban ng bayan.
Sumainyo ang katotohanan.