13,601 total views
Kapanalig, taglay at nanalaytay sa mga ugat nating Pilipino ang katangian ng pagiging resilience at may matatag na pananampalataya sa Panginoon. Ito ang nagbibigay ng pag-asa, bumubuhay sa ating mga Pilipino na tumayo at bumangon kahit dapang-dapa na, kahit lugmok na lugmok na.
Nilugmok tayo ng husto ng bagyong Yolanda, 7.2 magnitude na lindol na tumama sa Bohol at karatig lalawigan, sunod sunod na malalakas na bagyo, pagsabog ng mga bulkan… tayong mga Pilipino ay hindi sumuko..taas-noo pa rin tayong tumayo sa pamamagitan ng pagtutulungan,pagdadamayan at pagbabayanihan…higit sa lahat ang ating matatag na pananalig sa panginoon na kasama natin sa paglalakbay.
Kapanalig, nakakalungkot at nakakagalit lamang na marinig mismo sa ating mga opisyal ng pamahalaan na dumaranas tayong mga Pilipino ng “typhoon fatigue”…typhoon burnout… Ito daw ay resulta ng sunod-sunod na tropical cyclones na tumama sa bansa sa nakalipas na 2-buwan.
Inihayag ni Office of Civil Defense administrator Ariel Nepomuceno na ang “typhoon fatique” ay nararanasan ng mga nagsasagawa ng disaster response, rescue personnel at mga mamamayan na labas-pasok sa evacuation centers… Ang paulit-ulit na “search, rescue at relief operations sa mga biktima ng kalamidad ay nagdudulot na ng kawalan ng pag-asa… Sinasabi din ng pinuno ng Department of Environment and Natural Resources at Department of Health na malaki ang “psychological impact” ng mga nararanasang kalamidad sa mga biktima maging sa mga tumutugon sa kanilang pangangailangan.
Kapanalig, ang pahayag na ito ng mga opisyal ng pamahalaan ay pag-amin na wala silang ginagawa, hindi sila nagta-trabaho…Tungkulin po ng gobyerno na tugunan ang pangangailan ng mamamayan, responsibilidad din ng pamahalaan na ilayo ang mamamayan sa anumang kapahamakan…
Common sense… alam nating mga Filipino na ang Pilipinas ay isang tropical country at mahigit 20-bagyo ang nananalasa sa bansa kada taon.. ..Bago mag-landfall ang isang bagyo ay alam ng pamahalaan, mga ahensiya nito, ng mga local government units, kung saan tatama…kung gaano kalakas ang bagyo…Ang tanong, bakit hindi pinaghahandaan? Nasaan ang bilyun-bilyong pisong pondong inilaan sa national budget para sa disaster response? Natukoy na pala ng pamahalaan na malala na ang nararanasang typhoon burnout, ano ang ginagawa ng gobyerno at mga opisyal nito? Kung ginagawa sana ng lahat ang responsibilidad ay walang “typhoon fatigue”.
Sinasabi sa Mateo 25: “anuman ang gawin natin sa mga pinakamalilit at hamak, ginawa natin sa Panginoon”.
Ipinapaalala din ng “Psalm 46:1-2” : God is our refuge and strength, an ever-present help in trouble. Therefore we will not fear, though the earth give way and the mountains fall into the heart of the sea.”
Kapanalig, paulit-ulit na sinasabi ng simbahang katolika na ang pagtulong, paglingap at pagpapadama ng awa at habag ng panginoon sa kapwa-tao ay walang kapaguran (fatigue)..Pro-active ang simbahan tulad ng Caritas Manila sa pagsusulong ng disaster programs hindi lamang sa disaster mitigation at relief kundi maging sa pagbangon at spiritual rehabilitation ng mga nasalanta ng anumang kalamidad..Hindi alintana ng simbahan ang fatigue sa pagtulong sa mga mahihirap.