18 total views
Umaapela ng tulong at panalangin ang Diyosesis ng Bayombong matapos manalasa ang Bagyong Pepito sa mga lalawigan ng Nueva Vizcaya at Quirino.
Ayon kay Bishop Jose Elmer Mangalinao, hindi pa ganap na nakakabangon ang dalawang lalawigan mula sa mga nagdaang kalamidad sa nakalipas na mga linggo, ngunit muling naranasan ang malawakang pinsala dulot ng Super Typhoon Pepito.
Sa ulat ng Nueva Vizcaya Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), pitong katao ang kumpirmadong nasawi habang tatlo naman ang sugatan matapos matabunan ng gumuhong lupa ang isang tahanan sa Labang, Ambaguio, Nueva Vizcaya; habang nasa 4,300 katao o 1,200 pamilya naman ang nagsilikas.
“Medyo marami ang namatay ngayon dahil sa landslide at mas maraming nasirang mga bahay, bubong ng paaralan, at mga kapilya. Patuloy ang aming assessment para makatulong sa nangangailangan,” ayon kay Bishop Mangalinao sa panayam ng Radio Veritas.
Kabilang pa sa mga iniwang pinsala ng Bagyong Pepito ang mga nagibang dike, natumbang poste, namatay na mga alagang hayop, at mga nasirang bahay.
Hiling naman ni Bishop Mangalinao sa mga may mabubuting puso ang anumang maitutulong upang maibsan ang pasanin ng mga biktima ng mapaminsalang sakuna.
“Welcome at taos-puso po naming tatanggpin ang inyong mga panalangin at tulong-pinansyal sa aming Diyosesis,” ayon kay Bishop Mangalinao.
Sa mga nais magbahagi ng cash donations, maaari itong ipadala sa BDO Account name na Roman Catholic Bishop of the Diocese of Bayombong, Inc. sa Peso Savings Account No. 004968013025, at sa Dollar Savings Account No. 104960449899.
Habang sa in-kind donations naman tulad ng pagkain, damit, at hygiene kits, maaari itong ipadala sa tanggapan ng Caritas Bayombong sa DWRV-AM Bayombong Compound, Maharlika Highway, Bayombong, Nueva Vizcaya.