15 total views
Ipanalangin ang mga kristiyano na dumaranas ng pag-uusig, paalala ni Bishop Santos
Hinikayat ni Antipolo Bishop Ruperto Santos ang mga mananampalataya na alalahanin at ipanalangin ang mga Kristiyano sa iba’t ibang panig ng mundo na nakakaranas ng pang-uusig at pagdurusa.
Ito ang panawagan ni Bishop Santos, na siya ring Episcopal Coordinator for Asia ng World Apostolic Congress on Mercy (WACOM), kaugnay ng paggunita ng Red Wednesday sa November 27, 2024, na may temang “One in Suffering, One in Consolation”.
Ayon sa obispo, ito’y nagsisilbing paalala ng matatag na pananalig, katapangan, at sakripisyo ng mga Kristiyanong handing ipagtanggol ang pananampalataya sa kabila ng mga pagsubok.
“Their pain resonates deeply within us, reminding us of the sacrifices they make and the strength they show in the face of adversity. It is a time to honor their resilience, to remember their struggles, and to stand in solidarity with them,” mensahe ni Bishop Santos.
Ipinaliwanag ni Bishop Santos na ang Panginoong Hesukristo ang pinagmumulan ng kaaliwan, at ang Kanyang pag-ibig at pagpapala ang nagbibigay-lakas upang malampasan ang mga hamon ng buhay.
Aniya, sa pamamagitan ng panalangin, suporta, at pagdamay, ay maipadarama sa mga inuusig na sila’y bahagi ng pandaigdigang pamilyang Kristiyano.
“Let us renew our commitment to standing with our persecuted and suffering Christian brothers and sisters. Let us amplify their voices, advocate for their rights, and pray fervently for their protection and peace. Together, we can make a difference, bringing light to their darkest moments and hope to their hearts,” ayon kay Bishop Santos.
Taong 2016 nang simulan ng Pontifical Foundation Aid to the Church in Need (ACN) ang Red Wednesday campaign upang himukin ang mga Kristiyano na magkaisa sa panalangin, bigyang-pugay ang mga martir ng Simbahan, at suportahan ang mga Kristiyanong kasalukuyang inuusig.
Sa Pilipinas, pangungunahan ni ACN Philippines President, Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, ang pagdiriwang sa Minor Basilica of Our Lady of Manaoag sa Pangasinan.
Magsisimula ito sa pagdarasal ng Santo Rosaryo ganap na alas-4 ng hapon, susundan ng Banal na Misa, pagsisindi ng mga kandila, at pagpapailaw ng pula sa harapan ng simbahan.
January 2020 nang pinagtibay ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang taunang pakikiisa ng Pilipinas sa kampanya bilang pagpapakita ng malasakit sa mga inuusig na Kristiyano.