22 total views
Nagwagi sa kauna-unahang grand champion ng Himig ng Katotohanan Liturgical Song Writing Contest ang kantang Masayang Magtipon sa Tahanan ng Diyos.
Ang nanalong liturgical song ay compose nina Mikeas Kent Esteban at Maria Janine DG. Vergel na kinanta ng Vox Animæ choir ng Diocesan Shrine and Parish of St. Augustine, Baliuag, Bulacan.
Tinanghal na 1st Runner Up ang kantang “Huwag kang Mababahala” na likha ni Elmer Blancaflor at Ferdinand Cordero na kinanta ng PMIC choir mula sa Parish of Mary, The Immaculate Conception, Quezon City, Diocese of Cubao at 2nd Runner up ang kantang “Sama-sama sa Paglalakbay na Likha ni Lester Frederick G. Delgado & Mae Angeline L. Delgado at itinanghal ng Vocalismo Chorale ng Santuario de San Antonio Parish, Makati City.
Ipinaabot naman ni Father Anton CT Pascual – Pangulo ng Radio Veritas ang pagpapasalamat at kagalakan sa pakikiisa ng mga nanalo at finalist sa “Himig ng Katotohanan” upang makalikha ng mga bagong processional song na gagamitin sa mga banal na misa.
Layon din ng inisyatibo na makalikha pa ng liturgical songs tulad ng entrance, offertory, communion at recessional songs ang iba’t-ibang choir na gagamitin sa Eucharistic celebration ng mahigit sa 5,000 parokya sa buong bansa.
“Nagpapasalamat tayo sa Panginoon at naidaos natin ang kauna-unahang, Himig Katotohanan Veritas Song Writing Contest naway ito’y maging simula ng maraming awit na gawa ng mga kabataan para sa mga koro ng mga parokya upang sumigla ang ating mga misa sa pamamagitan ng magagandang awitin na nagpupuri sa Diyos at nagbibigkis ng ating pananampalataya, naway ang ating Himig Veritas Song writing contest ay magpatuloy, marami pa tayong mga proyekto, lima ito sa next 10 years upang magkaroon tayo ng mga bagong kanta sa mga banal na misa na ipapalaganap natin sa lahat ng parokya sa Pilipinas, five thousand parishes nationwide,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Pascual.
Inihayag naman ni Bro. Clifford Sorita, Chief Strategy Officer ng Radio Veritas na ang mga kantang kabilang sa 12-finalist ay gagawing isang album na gagamitin sa paggunita ng simbahan sa 2025 jubilee year.
Hinimok naman ng dalawa sa naging hurado na sina Father Carlo Magno at Filipino Songwriter Vehnee Saturno ang mga kabataan at nagnanais pang maging kompositor na ipagpatuloy ang kanilang pangarap.
“Una I’m very happy, masayang masaya ako lalo na sa lahat ng nagparticipate at congratulations to all the winners and the participants I think sa susunod it should open more doors to other budding composers and professional composers to really join para mag-contribute sa liturgical music songs ng ating simbahan,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr. Magno.
Umaasa si Saturno na sa ikalawang Himig ng Katotohanan song writing contest ay ma-incorporate sa liturgical songs ang awiting gusto ng mga kabataan.
“Doon sana i-incorporate natin yung type of music na gusto ng mga bagets para mas more on when we’re doing the celebration tayong mga Catholic mas malalim, mas maganda, mas masaya, well off course I am looking forward na mas marami pang contest na gawin nitong project na ito and then mas makaipon tayo ng mas magagandang kanta para sa simbahan at para kay God,” bahagi naman ng panayam ng Radio Veritas kay Saturno