18 total views
Nagsalita na rin ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga pahayag ni Vice-President Sara Duterte.
Sa talumpati, binigyang-diin ng Pangulong Marcos, ang kahalagahan ng Rule of Law at ang pagtutol sa anumang uri ng karahasan o pagbabanta, kahit pa ito’y galing sa pinakamataas na opisyal ng pamahalaan.
“Ito ay hindi dapat palampasin. Ang ganitong kriminal na pagtatangka ay labag sa ating demokrasya at sa prinsipyo ng hustisya,” ayon sa pahayag ng Pangulo, kasabay ng panawagan sa lahat ng opisyal na sundin ang kanilang sinumpaang tungkulin sa ilalim ng Saligang Batas.
Hinikayat din niya ang transparency sa lahat ng mga isyu, partikular na sa mga kasalukuyang imbestigasyon na isinasagawa ng Senado at House of Representatives.
“Ang katotohanan ay hindi dapat i-tokhang. Hindi sana hahantong sa ganitong drama kung sasagutin lamang ang mga lehitimong katanungan,” dagdag pa ng Pangulo.
Nagbigay siya ng babala laban sa mga maling gawain na naglalayong sirain ang tiwala ng mamamayan sa pamahalaan.
Sinabi ng pangulo na dapat manaig ang batas at ang tamang proseso, anuman ang sitwasyon o sinuman ang maaapektuhan.
Bilang isang dating mambabatas, binigyang-diin niya ang kanyang respeto sa Kongreso bilang isang independienteng sangay ng gobyerno at sa kapangyarihang gampanan nito ang oversight function sa executive branch.
Sa kabila ng mga kontrobersya, sinabi ng Pangulo na patuloy niyang tutukan ang pamamahala para sa ikauunlad ng bansa.
“Hindi natin iko-kompromiso ang Rule of Law. Kailangan manaig ang batas sa anumang sitwasyon, sinuman ang tamaan.”
Hamon din ng Pangulo sa lahat ng opisyal at sa mamamayang Pilipino, na patuloy na maglingkod para sa ikauunlad ng Republika ng Pilipinas at para sa matamo ang Bagong Pilipinas.
Una na ring nanawagan si Ozamis Archbishop Martin Jumoad sa lahat ng mga opisyal ng pamahalaan na isantabi ang pulitika, at tutukan ang mga pangunahing pangangailangan ng publiko.
Igiiniit din ng arsobispo, ang tamang pangangasiwa sa pondo ng bayan para pakinabangan ng higit na nangangailangan.