118 total views
Iginiit ng Legal Rights and Natural Resources Center (LRC) na mahalaga ang pagkakaroon ng bagong plastic treaty upang matugunan ang patuloy na suliranin ng plastic pollution sa buong mundo.
Ayon kay Atty. Mai Taqueban, ang executive director ng LRC, ang kakulangan ng ganitong uri ng kasunduan ay maaaring magdulot ng patuloy na pinsala sa kalikasan, lalo na sa pamamagitan ng pagtaas ng greenhouse gas emissions dulot ng labis na produksyon ng plastik.
Ang pahayag ni Taqueban ay bahagi ng panawagan ng Friends of the Earth International at Friends of the Earth South Korea (KFEM), kasabay ng 5th Intergovernmental Negotiating Committee (INC-5) Session sa Busan, South Korea simula November 25 hanggang December 1, 2024.
“With latest reports projecting the growth of plastics overproduction towards contributing 20% of global greenhouse gas emissions by 2050, it is urgent for a Global Plastics Treaty to be passed to drastically curb plastics pollution,” ayon kay Taqueban.
Tinukoy ni Taqueban, na siya ring kasapi ng Friends of the Earth Philippines, ang kalagayan ng Pilipinas na nahaharap sa matinding pagbaha dulot ng pagbabago ng klima. Ayon sa kanya, ang polusyon sa plastik ay lalong nagpapalala ng mga pagbaha at iba pang epekto ng klima sa bansa.
Nanawagan si Taqueban sa pamahalaan ng Pilipinas na manguna sa pagsusulong at pagsuporta sa isang mas ambisyosong kasunduan tungkol sa plastik upang matulungan ang bansa sa paglutas ng matagal nang suliranin na ito.
“The Philippine government must champion an ambitious plastics treaty as we are drowning in climate change-aggravated floods worsened, among others, by almost a million tons of annually mismanaged plastic pollution,” saad ni Taqueban.
Sa pagsisimula ng INC-5, lumikha ang 500 kasapi ng Friends of the Earth International ng isang human sign na “End Plastic,” bilang panawagan sa mga lider ng iba’t ibang bansa na isulong ang pagpapatibay ng kasunduan hinggil sa krisis sa plastik.
Tinatayang 175 delegado mula sa iba’t ibang bansa ang makikibahagi sa negosasyon upang bumuo ng bagong kasunduan para wakasan ang plastic pollution, kabilang na ang polusyon sa karagatan, na layunin ding papanagutin ang mga malalaking kumpanya na may kinalaman sa pandaigdigang suliranin ng plastik.
Una nang nanawagan ang Kanyang Kabanalan Francisco sa pamamagitan ng Laudato Si’ na bawasan ang paggamit ng plastik at iba pang disposable materials upang mabawasan ang mga basurang nalilikha na nagiging tambak lamang sa kapaligiran.