57,355 total views
Mga Kapanalig, natapos noong isang linggo ang ika-19 na Conference of Parties (o COP 29). Ang COP ay taunang pagpupulong ng mga opisyal ng pamahalaan ng iba’t ibang bansa, kinatawan ng mga NGOs, at eksperto mula sa mga bansang pumirma sa United Nations Framework Convention on Climate Change (o UNFCCC). Ang nagdaang COP ay kilala bilang “Finance COP” dahil pangunahing pinag-usapan doon ang tinatawag na New Collective Quantified Goal (o NCQG) in Climate Finance. Ito ay ang pondong bubuuin ng UNFCCC para tulungan ang mahihirap na bansa sa climate change adaptation and mitigation strategies.
Matapos ang halos dalawang linggong talakayan, 300 bilyong dolyar taun-taon ang napagkasunduang NCQG. Pag-aambagan ito ng mayayamang bansa hanggang 2035. Mas mataas ito sa unang taunang goal na 100 bilyong dolyar na pinagkasunduan noong 2009. Para sa executive secretary ng UN Climate Change na si Simon Stiell, sa halos tripleng inilaki ng target, maituturing itong “breakthrough agreement” at “insurance policy” para sa sangkatauhan. Aniya, makatutulong daw ito sa maraming mahihirap at vulnerable na bansa sa pagtugon sa climate change.
Pero para sa mga bansang benepisyaryo ng pondong ito, insulto ang taunang 300 bilyong dolyar kumpara sa laki ng mga kinakaharap nilang suliraning dala ng krisis sa klima. Kabilang sa mga bansang ito ang Alliance of Small Island States o mga bansang namimiligrong lumubog dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig-dagat; ang Least Developed Countries o ang pinakamahihirap na bansang may maliit na resources para harapin ang mga kalamidad; at ang G-77 o ang pitumpu’t pitong developing countries, kabilang ang Pilipinas. Nitong mga nakalipas na buwan lamang, naramdaman natin ang matinding epekto ng climate change sa magkakasunod na bagyong bumayo sa ating bansa.
Paliwanag ng mga bansang ito, layunin ng NCQG na magkaroon ng makatotohanang finance goal ang UNFCCC para sama-samang tugunan ang krisis sa klima. Ang mungkahi nilang goal ay 1.3 trilyong dolyar taun-taon. Kaya sa 300 bilyong dolyar, ang tanong nila: biro ba ang kanilang pinagdaraanan? Sa dami ng namamatay at ari-ariang taun-taong nasisira, hindi biro ang matitinding epekto ng climate change. Anila, kung isasaalang-alang ang inflation rate, mas maliit pa ang NCQG sa unang 100 bilyong dolyar kada taon na pinagkasunduan mahigit isang dekada na ang nakararaan. Ayon kay Greenpeace Philippines campaigner Virginia Benosa-Lorin, pagtataksil ito sa climate justice at sampal sa mahihirap na bansa. Kinaladkad daw tayo sa isang krisis na sa totoo lang ay bunga ng mga gawain ng mayayamang bansa katulad ng paggamit nila ng maruruming pinakukunan ng enerhiya gaya ng fossil fuels.
Para kay Bishop Gerry Alminaza ng Diocese of San Carlos, hindi lamang ito “policy oversight” kundi isang “moral failing” din. Ang bagong climate finance goal ay maituturing na kabiguang piliin ang tama at mabuti. Aniya, “[t]he time to end fossil fuel dependency is now. The time to deliver climate finance commitments is now. Anything less is a betrayal of our responsibility as stewards of life.”
Sang-ayon ang sinabi ni Bishop Alminaza sa mga panlipunang turo ng Simbahan na itinalaga tayong mga tao bilang tagapangalaga ng ating mundo. Hinahamon tayo sa Genesis 2:15 na “pagyamanin at pangalagaan ito.” Magagamit ang mas malaking pondo para isalba ang naghihingalo nating mundo at para mabigyang katarungan ang mahihirap na bansang sumasalo sa mga mas matitinding epekto ng krisis sa klima. Pero hindi ito ang nakamit sa COP 29.
Mga Kapanalig, katulad ng sinasabi sa Laudato Si’, ang totoong ecological approach ay palaging social approach. Kailangang isaalang-alang ang katarungang panlipunan upang marinig natin ang pag-iyak ng mundo at ang pagtangis ng mahihirap. Nasa gitna ng krisis ang ating planeta at ang mahihirap. Hindi ito biro.
Sumainyo ang katotohanan.