1,137 total views
Nananawagan ng panalangin si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza kaugnay sa pagsabog ng Bulkang Kanlaon na matatagpuan sa isla ng Negros Occidental at Oriental.
Dalangin ni Bishop Alminaza ang kaligtasan ng mga Negrense na nakatira malapit sa bulkan, lalo na ang mga nasa 4 to 6-kilometer permanent danger zone (PDZ).
Patuloy naman ang pagkalap ng impormasyon ng diyosesis, sa pamamagitan ng social action center (SAC), para matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong residente.
“Please pray for the protection of those within the vicinity of Mt. Kanlaon Volcano… Later, we will have a better assessment of how we can be of help,” ayon kay Bishop Alminaza.
Samantala, ayon naman kay San Carlos SAC director, Fr. Ricky Beboso, patuloy ang isinasagawang forced evacuation sa mga residenteng nakatira sa PDZ upang matiyak ang kaligtasan mula sa posibleng epekto ng pagliligalig ng bulkan.
Gayundin ang paghahanda at pagtugon sa mga kakailanganin ng mga pamilya at indibidwal na pansamantalang nanunuluyan sa mga itinalagang evacuation centers.
Pasado alas-3 ng hapon, kahapon nang maganap ang pagsabog ng Bulkang Kanlaon na lumikha ng 4,000 metrong taas na maitim na usok.
Dahil dito, itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang bulkan sa Alert Level 3 o magmatic unrest mula sa Alert Level 2 o increasing unrest.
Mahigpit namang paalala ng PHIVOLCS sa mga pamayanang nasa paligid o malapit sa bulkan na paigtingin ang pag-iingat tulad ng paglikas sa ligtas na mga lugar at pagsusuot ng facemask upang maiwasang malanghap ang abo mula sa bulkan.