1,016 total views
Kabuuang 2,310 indibidwal o 662 pamilya mula Barangay Mansalanao ang kasalukuyang nanunuluyan sa Saint Vincent Ferrer Parish-Shrine sa La Castellana, Negros Occidental ng Diyosesis ng Kabankalan, matapos ang pagsabog ng bulkang Kanlaon kahapon.
Ayon kay Parochial Vicar, Fr. Romel “Boyet” Enar, ang mga evacuee ay pansamantalang nakatira sa St. Vincent’s High School, kung saan hindi sapat ang espasyo ng mga pasilidad ng parokya upang tanggapin ang lahat ng mga nagsilikas.
“‘Yung school namin ay hindi ganoon kalakihan pero dahil they’re putting one barangay in one evacuation center para mas madali yung documentation…Medyo magulo kasi ‘yung rooms namin are all occupied and then we have an auditorium na hindi naman, wala kami mga tent. Ang [local government unit] provided us with probably mga 10 siguro or 12 [tents]. ‘Yung iba parang cowboy na lang sa auditorium, ‘yung iba nasa gilid ng simbahan, front of the convent, parang ganoon na lang muna ‘yung kanilang ginagawa,” pahayag ni Fr. Enar sa panayam ng Radio Veritas.
Batay sa initial assessment ng parokya, pangunahing kailangan ng mga evacuee ang ready-to-eat meals, maiinom na tubig, hygiene kits, damit, facemasks, at sleeping kits.
“Maganda sana ‘yung tubig ay malinis because we had an experience last June na ‘yung tubig na binigay baka hindi siya sa tamang purifier dumaan o hindi na-screen ng {Department of Health]. So, it caused a problem with many of the evacuees especially the children…And then sleeping mats. Nahirapan kami humanap ng mga karton. Naubusan kami ng karton. So, there are some people na wala na talaga, nasa simento na lang nahiga with their bags as their pillows. So, sleeping mats will really be of help,” ayon kay Fr. Enar.
Sa mga nais magpaabot ng tulong, maaaring dalhin ang in-kind donations sa St. Vincent Ferrer Parish-Shrine sa La Castellana, Negros Occidental.
Para naman sa cash donations, maaari itong ipadala sa GCash Account ni Fr. Ricon Dagunan (Parish Priest) sa 0917-771-6917 o sa BDO Network Bank Account name: St. Vincent Ferrer Parish-Shrine sa Account No.: 046820017846.
Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), pasado alas-3 ng hapon kahapon nang maganap ang pagsabog ng Bulkang Kanlaon na lumikha ng 4,000 metrong taas na makapal at maitim na usok.
Dahil dito, itinaas ng PHIVOLCS ang bulkan sa Alert Level 3 o magmatic unrest mula sa Alert Level 2 o increasing unrest.