235 total views
Mahigpit na binabantayan ng National Anti-Environmental Task Force ang mga bunk houses sa Laguna lake upang protektahan ang mga maliliit na mangingisda sa harassment at pananakot.
Ayon kay DENR Undersecretary for Field Operations Arturo Valdez, mahigpit ang kanilang monitoring dahil sa reklamo ng mga mangingisda na sa layong 30-meters ay pinapaputukan na sila ng mga bantay ng malalaking fish pens at cages sa nasabing lawa.
Kaugnay nito, itinanggi naman ni Manuel Libon, taga-pagbantay ng isang malaking fish pen ang bintang na hina-harass ng mga ito ang maliliit na mangingisdang napapalapit sa kanilang palaisdaan.
Ayon kay Libon, taliwas sa mga reklamo ay hinahayaan lamang nila ang mga dumaraan at napapalapit na mangingisda.
Tiniyak din ni Libon na walang silang mga armas na ginagamit upang takutin ang ibang mangingisda na napapalapit sa kanilang binabantayan.
Sa sukat na 90,000 hektarya,ang Laguna Lake ang pinakamalaking lawa sa Pilipinas.
Ngunit 20 porsyento nito ay ginagamit ng mga pribadong korporasyon at mga indibidwal na negosyanteng nagpapatakbo at namamahala ng malalawak na fish pens.
Dahil dito, plano ng Task force at LLDA na malinis ang 13,000 hektarya bago ang ikalawang State Of the Nation Address ni President Rodrigo Duterte.
Sa Social Doctrine of the Church, pabor ang simbahan na kumita ang mga mamumuhunan subalit hindi dapat ito magdulot ng masamang epekto sa kalikasan o makadagdag sa paghihirap ng mga dukha.