5 total views
Nagpapasalamat ang Santo Niño de Baseco sa pagpapatuloy ng Unang Yakap Program ng Caritas Manila sa Parokya.
Ito ang mensahe ni Fr.Anthony Acupan OSA sa programang nagpapakain sa mga buntis at lactating mothers sa Parokya at iba pang bahagi ng Metro Manila upang labanan ang malnutrisyon.
Ayon sa Pari, malaking tulong ang programa upang makamit ng mga ina ang mga kinakailangang nutrisyon habang ipinagbubuntis o pinapasuso ang kanilang mga sanggol.
“Ako po’y nagpapasalamat sa Caritas Manila at sa Alvarez Foundation dahil sa binigay na pagpapala sa pamamagitan ng pamamahagi nila ng kanilang mga pinaghirapang mga biyaya para sa amin dito sa Baseco lalung-lalu na sa aming mga nanay,” ayon sa mensahe ni Fr.Acupan.
Ipinarating din ng Pari ang pasasalamatg sa mga volunteers at kawani ng Caritas Baseco na katulong ng Caritas Manila at Alvarez Foundation sa integrated nutrition program.
Bukod sa pagpapakain, binibigay sa mga benepisyaryo ang mga bitamina upang manatiling malusog ang pangangatawan habang inaaruga ang kanilang mga anak.
“Kahit wala silang bayad kahit marami silang ginagawa, kahit mayroon silang sariling pamilya na minsan di na nila naalagaan para lamang makatulong sa ibang tao kaya nagpapasalamat ako sa kanila at taos-puso akong nananalangin para sa kanilang lahat, sa Caritas Manila, sa Alvarez Foundation, Caritas Baseco.” ayon pa sa mensahe ni Fr.Acupan.
Sa datos Caritas Manila, noong 2022 ay natulungan ang 75-libong mga bata na makaahon o maiwasan ang malnutrisyon na maaring magdulot ng stunting o pagkabansot at pagkamatay sa murang edad.