834 total views
Ito ang naging pahayag ni Lipa, Batangas Archbishop Emeritus Ramon Arguelles matapos na mailigtas ang animnapu’t limang mga Pilipinong mangingisda na nahuling iligal na nangingisda sa isla ng Sulawesi, Indonesia.
Ayon kay Archbishop Arguelles, dapat ng tanggalin ang boundary system sa pangingisda dahil wala naman ito noon at nabibigyan ng kalayaan ang lahat sa dagat na makapang – huli.
Iginiit pa ng arsobispo na simula ng limitahan ang lugar ng pangingisdaan ay mas lalo lamang umiral ang agawan ng huli ng isda at nangibabaw ang pagkakanya – kanya.
“Maganda iyan, dati wala namang boundary sa pangingisda minsan kahit anong nationality. Kahit naman isda hindi naman kailangan ng passport para makapunta sa iba’t ibang lugar. Dapat kung saan pwedeng magtrabaho at makapangisda sila ay payagan hindi dapat umiral yung mga boundaries na ganyan. Dahil iyang boundary na iyan bago lang iyan ay nagkanya – kanya na ang mga bansa parang nag – aagawan at iyan naman ay nilikha ng Diyos para sa lahat ng tao.” pahayag ni Archbishop Arguelles sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa tala ng Philippine Consulate General, noong nakaraang taon umabot sa 689 na mga mangingisdang Pinoy ang naaresto sa naturang bansa ngunit kinalaunan ay napauwi rin.
Una nang ipinatupad ng Indonesian government ang mas istriktong implementasyon ng anti-illegal fishing policy sa kanilang nasasakupan.