199 total views
Papuri at pasasalamat sa Dios na nagtipon sa atin sa araw na ito at nagbigay ng lakas upang makapaglakad para sa buhay. Ang paglalakad ay sagisag ng buhay. Ang paglalakad ay nakapagpapasigla
ng buhay. Lakad ng buháy.
Salamat din sa Sangguniang Laiko ng Pilipinas na nagbuo ng programang ito at sa napakaraming dakilang laiko ng iba-ibang diyosesis, parokya, organisasyon at movements. Gawin ninyo araw-araw ang buháy na paglalakad para sa buhay – sa tahanan, barangay, paaralan, tindahan, opisina, ospital, bangketa, sinehan at sa lahat ng sulok at larangan ng lipunan.
Sa ating panahon, kapansin-pansin ang paglaganap ng kultura ng karahasan. Nakalulungkot makita na parang natural na ang marahas na salita, tingin, asta, at kilos. Brasuhan at sindakan ang kalakaran.
Kaya isang mahalagang aspeto ng lakbay-buhay ay ang pagpapalakas at pagpapalaganap ng kultura ng hindi maharas na pagkilos o active non-violence. Hindi mapupugsa ang karahasan ng kapwa karahasan.
Ang lakas ng katotohanan, lakas ng katarungan, lakas ng dangal, lakas ng pagkalinga, lakas ng pagdamay, lakas ng pag-unawa, lakas ng pagkakasundo, lakas ng pagmamahalan ang pipigil sa nakamamatay na karahasan. Lakas, hindi dahas. Kung bawat isa sa atin, bawat pamilya at pamayanan ay gagawa araw-araw ng kilos-buhay, mayroong lakas laban sa dahas. Lakas, hindi dahas. Hindi sapat ang mga diskusyon at sigawan. Maraming buhay na dapat iligtas. Save lives!
Iligtas ang inang nagbubuntis at ang sanggol sa kanyang sinapupunan, iligtas ang mga nagugutom, iligtas ang kabataan at batang nasa lansangan sa droga, abuso, prostitusyon,pornography, sugal at bisyo, iligtas ang pamilya, iligtas ang marangal na seksualidad, iligtas ang manggagawa at walang trabaho, iligtas ang dukha lalo na ang kababaihang nasa bingit ng human trafficking, iligtas ang mga may kapansanan, iligtas ang mga katutubo, iligtas ang mga magulang na tumatangis sa nawawala o pinaslang na anak. Iligtas ang kalikasang sugatan, Iligtas ang nasa panganib ang buhay! Mga gawa ng malasakit at pagibig ang maglilitas sa buhay nila. Kung bawat isa ay gagawa nang makakayanan niya, lalaganap ang kultura ng pagibig na nagliligtas ng buhay. Lakas, hindi dahas.
At panghuli, lahat tayo ay humingi ng tawad dahil naging bahagi rin tayo ng kultura ng karahasan.
Sabi ni Jesus (Mateo 5:21-22), “Narinig ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang makamatay ay mananagot sa hukuman. Nguni’t ngayo’y sinasabi ko sa inyo:
ang mapoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid
‘Ulol ka” ay mapapasaapoy ng impierno.” Linisin nawa ng Diyos ang ating puso, isip, mata, labi,
at kamay upang mapawi ang ugat ng karahasan. Gawin nawa Niya tayong nararapat na daan ng buhay.
Lumakad tayo araw-araw taglay ang paalala ni propeta Micah 6:8, “Ito ang nais ng Dios:
maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong ibigin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang lumakad kasama ang Dios.” Lumakad tayong kasama ang Dios na buhay.
Sa Kanya mayroong lakas, hindi dahas.