13,693 total views
Kinundena ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research ang “red tagging” sa kanilang grupo.
Ikinatwiran ng EILER na ang kanilang organisasyon ay isang non-government at non-profit na nagsusulong ng pananaliksik at digdinad sa paggawa.
Nilinaw ng EILER na ang paratang sa kanilang grupo na kaanib ng makakaliwa at teroristang grupo ay fake news.
“Ang EILER ay isang non-government at non-profit na pangmanggagawang institusyon na nagsusulong ng dignidad sa paggawa sa pamamagitan ng gawaing edukasyon at pananaliksik sa paggawa. Itinatag ito noong 1981 katuwang ang mga taong-simbahan at mga lider-manggagawa. Mula noon hanggang ngayon, ang Board of Trustees at Staff ng institusyon ay nakikipag-kaisa sa hanay ng mga manggagawa at mga maralitang sektor upang makamit ang mga hangarin para sa nakabubuhay na sahod,” ayon sa mensaheng ipinadala ng EILER sa Radio Veritas.
Nanawagan ang labor group sa pamahalaan na tigilan na ang mga red tagging sa iba’t-ibang labor group sa bansa na nagsusulong ng kabutihan sa buhay ng mga manggagawa.
Ito ang apela ng EILER matapos makaranas ng harassment sa loob mismo ng kanilang opisina sa Quezon City.
Ibinahagi ng EILER na tatlong beses sa loob ng dalawang buwan ay mayroong nag-iwan ng sako at nagdikit ng sticker na naglalaman ng mensaheng sangkot ang labor group sa terorismo.
“Hinahamon ng institusyon ang administrasyong Marcos, Jr. na gumawa ng mga konkretong hakbang upang matigil na ang walang habas na red-tagging at iba pang porma ng panunupil sa mga kalayaang sibil at politikal ng mamamayan. Pangunahin na rito ang pagbuwag sa NTF-ELCAC na susing ahensya ng pamahalaan na nangre-red-tag sa mga progresibong organisasyon at indibidwal. Dapat ikriminalisa ang red-tagging at panagutin ang mga salarin,” bahagi pa ng mensahe ng EILER sa Radio Veritas.
Unang napabilang ang Pilipinas noong 2022 at 2023 sa listahan ng ‘TOP 10 MOST DANGEROUS COUNTRIES FOR LABOR LEADERS AND MEMBERS’ sa pag-aaral ng Global Rights Index matapos umabot sa 80 ang bilang ng mga napapatay na environmental, labor leaders at members simula pa noong 2016.