77,397 total views
Mga Kapanalig, ang Diyos ay hindi manhid sa tinig ng mga inaabuso’t inaapi. Dahil naririnig ng Diyos ang kanilang mga panaghoy, hinahamon Niya tayong pakinggan at kumilos para makamit nila ang katarungan. Sabi nga sa Mga Awit 82:3: “Bigyan ninyong katarungan ang mahina at ulila, at huwag ninyong aapihin ang mahirap at may dusa.”
Ilang linggo matapos ang pag-aresto at pagdala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court, kaliwa’t kanang patutsadahan ang ginawa ng mga pabor at hindi pabor sa kanyang pag-aresto. Mistulang teleserye ang bangayan ng dalawang political dynasties na sangkot: ang mga Marcos at ang mga Duterte.
Sa ginawang hearing kamakailan ni Senadora Imee Marcos tungkol sa aniya’y iligal na pag-aresto sa dating pangulo, may mga nagsasabing mas nangibabaw ang pamumulitika niya at ni Senador Alan Peter Cayetano. Naging target nila ang mga miyembro ng gabinete katulad nila Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Interior Secretary Jonvic Remulla, Defense Secretary Gilbert Teodoro, at CIDG Director Police Major General Nicolas Torre III.
Sa kabila ng sigalot ng magkabilang kampo ay ang paglimot naman sa mga pamilyang naging biktima ng marahas na war on drugs ng nakaraang administrasyong Duterte. Masalimuot at mailap ang katarungan para sa mga biktima. Inamin ni DOJ Secretary Remulla na nahihirapang makamit ng mga biktima ang hustisya dahil 95% ng mga kaso ng extrajudicial killings (o EJK) ay kulang sa police reports na pangunahing ebidensya ng mga kaso. Gaya ng binanggit natin sa isang editoryal, nagsisimula na ang mga hakbang sa paggawad ng katarungan kasunod ng pagkakaaresto sa dating pangulo. Igalang na dapat natin ito.
Alinsunod sa pag-usad ng kaso ay binuksan na ng ICC Pre-Trial Chamber ang Court Registry upang bigyang pagkakataon ang mga biktima na maging bahagi ng pagdinig sa kasong crimes against humanity na kinakaharap ni dating Pangulong Duterte. Inihahanda na ang mga biktima para sa mga proseso ng pagbibigay ng testimonya at paglalatag ng ebidensya laban sa dating pangulo.
Masasabi nating sang-ayon sa mga panlipunang turo ng Simbahan ang hakbang na ito ng ICC, ng pamahalaan, at ng mga grupong sumusuporta sa mga biktima para mabigyan ng pagkakataon ang mga pamilya nilang makipagtulungan upang makamit ang hustisya. Ayon kay Pope John XXIII, pangunahing tungkulin ng mga awtoridad, katulad ng pamahalaan at mga institusyong legal, na kilalanin at protektahan ang mga karapatan ng bawat indibidwal. Kaya nararapat lamang na suportahan at makiisa ang pamahalaan at ang ICC dahil ito ang kanilang tungkulin sa mga pamilya ng mga biktima.
Sa yugtong ito sa pagkamit ng hustisya, huwag tayong magbingi-bingihan sa iyak ng mga biktima ng walang habas na pagpatay. Hindi sana tayo madaráng sa sakim na hidwaan ng mga nagbabanggaang angkan sa pulitika. Ang pagpapanagot sa mga mapang-abusong opisyal ay hindi pamumulitika. Ang pagpapanagot sa mga nagkasala sa Diyos at batas ay hindi pang-aapi sa kanilang pagkatao’t mga karapatan. Ang maliliit na hakbang na mayroon ngayon ay tungo sa pagpapairal ng pananagutan, katarungan, at mga karapatan ng mga biktima ng karumal-dumal na pagpatay noong war on drugs.
Mga Kapanalig, ang kwentong masalimuot na ito para sa katarungan ay tungkol sa libu-libong biktima ng EJK, katulad nila Kian delos Santos at Carl Angelo Arnaiz. Sila ang dapat na binibigyang-pansin dahil sila ang mga walang habas na pinaslang, walang tamang paghatol, walang wastong proseso. Dinggin natin ang kanilang tinig sa pamamagitan ng pagkilala sa pagmakit ng katarungan sa pamamagitan ng proseso ng batas. Dinggin din natin ang hapis ng kanilang mga pamilya nang hindi na tayo maging manhid sa pang-aabuso at pang-aapi ng mga iniluluklok natin sa poder.
Sumainyo ang Katotohanan.