91 total views
Inaanyayahan ng Manila Archdiocesan Ministry for Labor Concern (AMLC) ang sektor ng mga manggagawa na makiisa sa idadaos na Jubilee Mass for Workers sa May 01 na araw ng Labor Day sa San Jose De Trozo Parish sa Santa Cruz Manila.
Ayon kay AMLC Minister Fr.Erik Adoviso, pangunahing isusulong sa gawain ang dignidad ng mga manggagawa na mahalagang pundasyon ng ekonomiya na patuloy pa ring biktima ng kontrakwalisasyon.
“Ipinagdiriwang po natin ito po kasi po, may dignidad ang mga manggagawa, tayo po bilang manggagawa sila po ay may dignidad at itong dignidad na ito ay binigay ng Diyos sapagkat ang tao ay kawangis ng Diyos pero hindi lang siya kawangis ng Diyos, sabi nga ni Saint John Paul II siya ay iniligtas ng Diyos, redeemed by Jesus Christ,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Adoviso.
Ipapagdarasal din ng Pari ang mababang provincial rate na patuloy na nagpapahirap sa mga manggagawa.
Isusulong din ng AMLC ang pagsasabatas ng 1,200-pesos kada araw na family living wage ng isang manggagawa.
“Yung sinasabi ni Saint John Paul II na magkaroon tayo ng just family wage na kung saan ay talagang malaking tulong ito sa pamilya, hindi na po kailangan mag-abroad nang isang miyembro ng pamilya para po matustusan ang kanilang ikinabubuhay, yun naman po lahat ng sinasabi ng ating Santo Papa ay turo ng simbahan kaya sana yun po ang mga pinapangarap ng mga manggagawa ngayong May 01,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Adoviso.
Sa pagdiriwang ng Jubilee Year 2025 ngayong taon na may temang ‘Pilgrims of Hope’ ay nakatakdang gunitain ng Vatican ang Jubilee for Workers simula May 01 hanggang 04.