183 total views
Hindi kumbinsido si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on the Laity, sa pahayag ng Chamber of Mines of the Philippines na marami itong nalikhang trabaho para sa mahihirap.
Ayon sa Obispo, contractual din ang ibinibigay na trabaho ng mga kumpanya ng minahan at hindi naman ito nakapagbibigay ng permanenteng hanap buhay sa mga mahihirap na nasa komunidad na mayroong mina.
Dagdag pa nito, kakaunti ang trabahong nalikha mula sa mining industry at hindi lahat ng pinapangakuan ng hanapbuhay sa mga komunidad ay nabibigyan dahil iilan lamang ang nakikinabang.
“Sa ganyang sinasabi nila palaging sinasabi marami ang mawawalan, samantalang kokonti lang naman ang mawawalan ng trabaho at pwedeng hanapan ng paraan upang mabigyan ng trabaho, kesa masira ang kalikasan natin, at ang palaging pang-aakit nila na magbibigay ng trabaho kokonti lang naman ang mga ibinibigay.” pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Samantala, una nang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nito pababayaan ang mga manggagawang mawawalan ng hanapbuhay sa pagpapasara ng mga minahan.
Ayon sa pagsusuri ng pamahalaan, 234,000 trabaho lamang ang nalikha ng mining industry kumpara sa 4.7 milyong trabaho na naipagkaloob ng turismo simula noong 2004.
Dahil dito, humingi ng palugit si DENR secretary Gina Lopez na bigyan siya ng isa’t kalahati hanggang dalawang taon at patutunayan nitong mapabubuti ng livelihood programs ng ahensiya ang kabuhayan ng mga mahihirap nang hindi na masasakripisyo ang kapaligiran.
Patuloy na naninindigan ang mga lider ng Simbahang Katolika na tama ang desisyon ng DENR na kanselahin ang mga mining permits at ipasara ang mga minahan na lumalabag sa mga environmental law.
Ayon sa Social Doctrine of the Church, bagamat pabor ang Simbahan na kumita ang isang mamumuhunan, kinakailangan na ang negosyo nito ay hindi nagdudulot ng pagkasira sa kalikasan o kapahamakan sa kalusugan at buhay ng tao.