244 total views
Umaabot na sa 1.8 Million kabataan, mga buntis at mga matatanda ang kinakalinga ng Hapag Asa Feeding Program ng Simbahang Katolika.
Ayon kay Finda Lacanlalay, Director ng Hapag-Asa Feeding Program, patuloy ang kanilang pagsusumikap na tugunan ang pangangailangan ng dumaraming bilang ng mga malnourished children sa mga mahihirap na lugar sa bansa.
Pahayag ni Lacanlalay, target ng Hapag-Asa na makapagpakain ng 250 libong malnourished children ngayong taong 2017.
Umaapela din si Lacanlalay na palakasin ng iba’t-ibang diyosesis sa Pilipinas ang kanilang feeding program at pagsuporta sa nasabing programa para marami pang mga kabataan ang mapakain at maserbisyuhan nito.
Aminado si Lacanlalay na nakakabahala ang inilabas na datos ng Food Nutrition Research Institute (FNRI) kung saan tumaas ang bilang ng mga kabataang nababansot dahil sa malnourishment partikular na sa mga pinakamahihirap na lalawigan.
“Ang nakakabahala ngayon yung latest statistics na ibinigay ng FNRI karamihan ng mga bata natin ay nababansot tapos yung first 1000 days ay napaka critical nakapahalaga yun damaged to the brain can occur kapag hindi nabigyan ng proper nutrition at yun ngang statistics na ibinigay ngayon napaka taas lalo na sa mga priority regions na tinutukoy namin gaya sa ARMM halos 5 sa bawat 10 ay nababansot” dagdag pahayag ni Lacanlalay.
Hinimok ni Lacanlalay ang mga mananampalataya ngayong Ash Wednesday na suportahan ang “Fast2Feed” program sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kanila ng halagang natitipid mula sa pag-aayuno.
Una nang nagpalabas ng pastoral statement si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle kung saan hinimok din nito ang mga mananampalataya na tumulong sa mga nangangailangan kasabay ng pag-aayuno ngayong panahon ng kuwaresma sa pamamagitan ng “Fast to Feed Program”.
Read: http://www.veritas846.ph/cardinal-tagle-umaapela-ng-pakikiisa-sa-fast2feed-program/
(Rowel Garcia/Newsteam)