380 total views
Nagsimula ang panahon ng Kwaresma noong Marso 1. Kapanalig, hind ba’t mas naging makahulugan ang abo sa ating mga noo noong nakaraang miyerkules, sa gitna ng dumaraming bilang ng mga namamatay sa ating paligid?
Ang abo sa ating noo ay hindi lamang nagpapa-alala na tayo ay nagmula sa abo; ito rin ay nag-papa-alala ng pagiging sagrado ng buhay. Ito ay nag-papa-alala sa atin na mahalaga ang buhay. Kamusta na nga ba kapanalig, ang buhay sa Pilipinas? Gaano ba natin ito binibigyang halaga?
Kung pagbabasehan kapanalig, ang pinakahuling datos ng SWS ukol sa jobless rate, tila malamya ang marami sa atin. Umabot ng 25.1% ang adult joblessness rate noong fourth quarter 2016. Katumbas nito, kapanalig, ay 11.2 milyong adults.
Ayon naman sa Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 18% naman ang underemployment rate. Katumbas ito ng 7.5 milyong manggagawa na nagnanais pa na madagdagan ang oras ng kanilang trabaho. Ayon pa sa ahensya, mga 54.9% o 4.121 milyong manggagawa ang nagtatrabaho ng mas kaunti pa sa 40 oras kada linggo.
Ang mga isyung ito ay ilan lamang sa kailangan nating pagnilayan ngayong kwaresma. Kapanalig, saang aspeto ba ng ating pamumuhay dapat tayo tumutok? Bilang isang lipunan, anong dapat mga usapin at suliranin ang ating dapat bigyan ng atensyon at solusyon? Hindi ba’t ang mga isyung gaya nito ang dapat nating harapin?
Ang panahon ng kwaresma ay panahon din ng pananahimik. Ito ay panahon ng pakikinig sa bulong ng Panginoon at ng panaghoy ng lipunan. Ito ay panahon ng pagbibigay importansya sa buhay. Kaya lamang, nakakalungkot isipin na ngayong panahon ng kwaresma, maaring mapa-igting muli ang digmaan laban sa droga. Nakakalungkot isipin na ang scenario ng piyeta ay paulit ulit muling sasambulat sa ating kada umaga. Sayang kapanalig, ang sukdulang piyeta sa lahat – ang sakripsiyo ni Hesus – kung araw araw ay tumataas ang bilang ng bangkay sa ating paligid.
Hindi masama kapanalig, na magkaroon ng krusada laban sa kasamaan. Lahat tayo ay ayon diyan. Kailangan lamang maging bukas tayo sa mga makataong paraan. Kailangan lamang bukas tayo sa mga paraan na nagbibigay buhay at sigla sa lipunan.
Kapanalig, ang kamatayan din ay hindi malayo sa mga pamilyang gutom at walang trabaho. Sabay ng laban sa droga, tataas ng tataas din ang biktima ng kahirapan. Isipin natin kung ano ang magiging suma total nito sa kalaunan.
Ngayong kwaresma, maari kayang tayo ay magnilay bilang isang lipunang nagmamahal sa bayan at sa Diyos, kahit ano pa ang relihiyon, paniniwala, at kulay? Maari kayang pagbigyan naman natin ang kapayapaan sa ating mga lansangan, at sa ating mga puso, ang mamamayani?
Ang Gaudium et Spes ay nagbibigay sa atin ng gabay sa puntong ito. Nawa’y dinggin natin: Napakahalaga para sa kinabukasan ng lipunan at ng demokrasya na makita nating muli ang karubduban ng ating mga “human at moral values” na dumadaloy mula sa ating esenya bilang tao. Ang mga “values” na ito ay hindi kailan man malilikha o masisira ninuman; bagkus dapat nating itong kilalanin, respetuhin, at isulong.