313 total views
Hindi makaliligtas sa hukuman ng Panginoon ng buhay ang mga mambabatas na bumoto sa pagbabalik ng death penalty sa bansa.
Ito ang binigyang diin ni Nueva Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona, chairman ng CBCP NASSA / Caritas Philippines matapos maipasa sa 2nd reading ang House Bill 4727 o panukalang pagbabalik ng parusang kamatayan kaalinsabay ng Ash Wednesday na hudyat rin ng pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma.
Iginiit ng Arsobispo na hindi katanggap-tanggap ang pananaig ng “viva voice” pabor sa parusang kamatayan.
Ayon kay Archbishop Tirona, kung tuluyang maibalik ang parusang kamatayan ay maituturing na may mga dugo at buhay na ring kinitil ang mga mambabatas na bumoto pabor sa panukalang batas.
Ikinalulungkot ng pinuno ng social arm ng C-B-C-P na isinantabi ng mga Kongresista ang kapakanan at dignidad ng tao para sundin ang dikta ng kanilang boss.
“Hindi lang natin ikinalulungkot yan talagang ikinagagalit din natin, ang masasabi ko lang kung merong executions may mga dugo yung mga kamay ng mga bumoto diyan para sa death penalty at hindi sila makakatakas sa hukuman ng Panginoon ng buhay, kasama na doon yung sinasamba nilang amo. Kaya alam mo ito ay idinadaan nila sa game of numbers, so mas mahalaga talaga sa kanila yung boss nila kesa sa kapakanan at dignidad ng tao. Pero magdasal tayo na ang tagumpay ng katarungan ay lalabas at lalabas yan.”pahayag ni Archbishop Tirona sa panayam ng Radio Veritas
Sa ika-8 ng Marso 2017, pagbobotohan ng mga Kongresista sa 3rd at final reading ang panukalang batas.
Dahil dito, muling nanawagan si Archbishop Tirona ng pananalangin mula sa mga mananampalataya upang ganap na manaig sa mga mambabatas ang kanilang konsensiya para sa tunay na katarungang panlipunan.
Samantala, noong 2015 batay sa datos ng Amnesty International, umabot sa 1,634 ang napatawan ng parusang kamatayan mula sa 25 mga bansa na mas mataas ng 50-porsiyento sa naitala noong 2014.
Sa tala 90-porsiyento nito ay naganap sa mga bansang Iran, Pakistan at Saudi Arabia.(Reyn Letran)