215 total views
Sa pagninilay ng kanyang Kabunyian Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quevedo kanyang ipinaalala na isang malaking pagkakataon ang apatnapung araw ng Kuwaresma upang makapagbalik loob sa Diyos sa ating mga nagawang pagkakasala. Hiniling rin ni Cardinal Quevedo na labanan nawa natin ang kasamaan ng kabutihan, kayabangan ng kababaang – loob at galit, diskriminasyon ng pagtanggap at pagpapatawad.
“Ito pong mga araw ng paghahanda, sa biyaya ng ating Panginoong Diyos, tayo’y magpunyagi laban sa ating pagka-makasalanan, laban sa ating mga kiling at hilig sa kasamaan, laban sa ating kayabangan at kawalang-katapatan, at laban sa ating mga galit at diskriminasyon.” bahagi ng mensahe ni Cardinal Quevedo sa Radyo Veritas.
Inaanyayahan ng Kardinal ang mga mananampalataya na samantalahin ang mga banal na araw upang makagawa ng kabutihan sa kapwa at ang pagsasabuhay ng salita ng Diyos sa pang – araw – araw nating pamumuhay.
“Sikapin din nating gumawa ng kabutihan sa kapwa sa pamamagitan ng ating malasakit at awa at gawin itong bahagi ng ating pamumuhay araw-araw. Tanggapin natin at isabuhay ang hamon ng ebanghelyo na magsisi sa kasalanan at magbagong buhay. Nawa’y puspusin ng Panginoon ng Kanyang pagpapala itong ating paghahanda sa pagtanggap ng bagong buhay ni Kristo Hesus na muling nabuhay.” Bahagi ng mensahe ni Cardinal Quevedo
Hinimok naman ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na magbagong loob, magsisi at tanggapin ang salita ng Diyos.
Read: http://www.veritas846.ph/magbagong-loob-magsisi-manalig-ka-sa-salita-ng-diyos/
Samantala, nagsimula naman ang panahon ng Cuaresma matapos ang Miercoles De Ceniza kung saan ang nasa 1.2 bilyong Kristiyano sa buong mundo ay nakikiisa sa pananalangin at pagsasakripisyo ni Hesus sa disyerto ng apatnapung araw.(Romeo Ojero)