490 total views
Mga Kapanalig, isang matimbang na katangian ng isang demokrasya ang tinatawag natin sa Ingles na “separation of powers” ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan. Ang sangay ng ehekutibo na binubuo ng pangulo, ng kanyang gabinete, at mga departamentong pinatatakbo nila ay siyang madalas ituring na pinakamakapangyarihang sangay sa ating sistema ng pamamahala. Ang ikalawang sangay naman ay ang lehislatura na binubuo ng Kongreso at Senado at siyang gumagawa ng mga batas na dapat ay ipinatutupad ng buong pamahalaan at sinusunod ng mga mamamayan. Ang ikatlong sangay ay ang hudikatura na humuhusga kung mayroong naganap na paglabag sa batas at nagbibigay-linaw sa iba’t ibang interpretasyon ng batas.
Sa isang demokrasya, ginawang magkakahiwalay ang mga gawain at kapangyarihan ng tatlong sangay na ito upang maaring maiwasto ang kilos ng isang sangay kung ito man ay maging mapagmalabis sa kanyang kapangyarihan o kaya’y mapang-api sa taumbayan. Tinatawag ito sa Ingles na pagkakaroon ng “checks and balances,” isa pa ring matibay na prinsipyong sinusunod sa isang demokrasya upang protektahan ang kapakanan ng mga mamamayan.
Ang katuruan ng ating Simbahan ay pinapanigan at sinasang-ayunan ang prinsipyong ito ng paghahati-hati ng mga kapangyarihan ng estado. Sa pananaw ng Simbahan, ang ganitong sistema ay higit na mapangangalagaan ang tinatawag nating rule of law o ang pagtitiyak na ang nasusunod ay ang batas at hindi ang kagustuhan lamang ng namumuno.
Sa usapin ng pagbabalik ng parusang kamatayan para sa ilang mga piling krimen, may isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ang nagsabing bagama’t marami sa kanila ay hindi sang-ayon sa pagbabalik ng parusang bitay, ang mga ito ay mapipilitang bumoto nang sang-ayon sa panukalang ibalik ang parusang kamatayan. At bakit, mga Kapanalig? Sinabihan raw sila ng liderato ng Kamara na ang hindi bumoto ng pagsang-ayon sa panukalang batas ay hindi makatatanggap ng pondo para sa mga proyekto ng kanilang distrito. Kung wala silang pondo at walang proyekto, paano nga naman sila mananalo sa susunod na eleksyon? Samakatuwid, mga Kapanalig, boboto ang mga kongresista nang sang-ayon sa panunumbalik ng parusang bitay hindi dahil sa dikta ng kanilang konsensya, o dahil sa ito ang gusto ng mga kinakatawan nila, kundi dahil ito ang kagustuhan ng pangulo.
Kung totoo ang isiniwalat ng kongresista, ano ang sinasabi nito tungkol sa ating demokrasya? Mayroon nga ba tayong tunay na separation of powers at checks and balances?
Marami ngang nagsasabing lubhang napakamakapangyarihan ng pangulo sa ating sistema ng gobyerno dahil kontrolado niya ang pondo ng mga mambabatas para sa kanilang mga proyekto. Sa ilalim ng ganitong kalakaran, hindi mahirap isiping magiging sunud-sunuran sa ehekutibo ang kongreso sa maraming mga mahahalagang usapin. Kung wala nang sariling desisyon ang mga mambabatas, maituturing pa bang tunay na demokratiko ang pagpapatakbo ng ating gobyerno? Hindi kaya lubhang mapanganib ang ganitong sitwasyon lalo na kung ang ehekutibo ay hindi kumikilala ng hangganan ng kanyang kapangyarihan at wala pang makapipigil sa kanya?
Ngunit ang totoo, mga Kapanalig, nakasalalay din naman sa ating mga mamamayan kung ano ang dapat gawin ng ating mga kinatawan sa Kongreso. Kahit na nakapasá na ang panukalang batas sa second reading, tanungin natin ang ating mga sarili: Ano ang ating posisyon sa pagbabalik ng parusang bitay? Anuman ang paninindigan natin, dapat ipabatid natin ito sa mga mambabatas upang ito ang kanilang dalhin sa kanilang pagboto. Kaya ba nating sabihin sa ating kinatawan, “Sundin mo kami at tutulan mo ang pagbabalik ng parusang bitay at tutulungan ka naming makuha ang pondo para sa proyekto ng ating distrito”? Kaya ba natin ang ganitong uri ng “people power” na naninindigan sa utos ng Diyos laban sa pagpatay at ipinagtatanggol ang kasarinlan ng ating lehislatura upang ang nais ng mga mamamayan, at hindi ng pangulo lamang, ang siyang manaig?
Sumainyo ang katotohanan.