277 total views
Mga Kapanalig, naaalala ninyo pa ba ang sikat na “Cebu Dancing Inmates,” ang mga bilanggo sa Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center na nakilala dahil sa kanilang sabay-sabay na pagsasayaw?
Muli na naman silang nalagay sa headlines ng mga balita nitong nakaraang linggo, subalit hindi ito dahil may bago silang dance steps, kundi dahil sa mga larawang kumalat sa social media kung saan hubo’t hubad silang nakaupo at nakahilera sa quadrangle ng bilangguan. Ayon sa mga namamahala ng piitan, bahagi iyon ng operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA upang halughugin ang kulungan at kumpiskahin ang mga kontrabando at droga. Pinaalis ang mga damit ng mga bilanggo upang matiyak umano ang kaligtasan ng mga operatiba dahil mangingimi nga namang magsimula ng riot ang mga preso kung sila’y walang mga saplot. Dagdag pa ng PDEA, paraan din iyon upang hindi maitago ng mga bilanggo ang anumang bagay na ipinagbabawal ipasok sa loob. Bahagi umano ang kanilang ginawa ng standard operating procedure o SOP sa tuwing may raid sa mga kulungan, at wala raw silang nilabag na anumang karapatang pantao.
Sa kabila ng paliwanag ng ahensya, naging “viral” o kumalat pa lalo sa social media ang mga larawan, at marami sa mga nakakita ang hindi nagustuhan ang paraang ginawa para lamang sa operasyon kontra iligal na droga. Una rin sa mga umalma ang grupong Amnesty International na sa kanilang pahayag ay sinabing ang insidenteng iyon sa Cebu ay nagpapakita ng pagtratong marahas, hindi makatao, at nakapagpapababa sa sarili. Paalala pa ng Amnesty Interational, malinaw sa mga pamantayan ng United Nations gayundin sa ating mga batas ng Pilipinas na pananagutan ng mga namamahala ng mga bilangguan ang tiyaking hindi sinasaktan at hindi minamaltrato ang mga preso. Paglabag naman sa privacy ng mga bilanggo ang ipinagdiinan ng grupong Human Rights Watch. Hindi rin raw makatao na ilantad ang mga bilanggo nang hubo’t hubad at ang hayaang sila ay kunan ng litrato.
Nakalulungkot, mga Kapanalig, na kinailangan pang hubaran ang mga bilanggo para lamang maisagawa ang paghahalughog. Hindi ba talaga makukuha ang mga kontrabando at hindi ba magiging mapayapa ang operasyon kahit may suot silang damit? Marahil ay marami sa mga preso ang lalong nanliit ang tingin sa sarili—ibinilanggo na nga sila dahil sa paglabag sa batas at inalisan pa ng kalayaan, heto’t inilantad pa ang kanilang mga katawan hindi lamang sa mga taong nasa loob ng preso kundi sa labas ng kulungan sa pamamagitan ng social media.
Matatandaang nagsalita minsan si Pope Francis matapos ang madugong riot sa isang bilangguan sa bansang Brazil. Ang kanyang naging pahayag noon ay angkop sa dinanas ng mga preso sa Cebu at sa marami pang bilangguan sa Pilipinas. Sabi niya, ang mga bilangguan ay dapat na magsilbing “places of re-education”, mga lugar ng muling pagkatuto ng mga taong nagkamali. Ang mga piitan, ayon pa sa Santo Papa, ay dapat na maging “places of re-insertion”, mga lugar upang akayin ang mga bilanggo na makabalik sa lipunan matapos tapusin ang sentensyang ipinataw sa kanila. Sa madaling salita, dapat na maging makatao ang kalagayan ng mga preso dahil sila ay mga tao ring may dignidad, katulad nating mga nakalalaya.
Kaya’t kung ang mga bilanggo ay hindi tinatrato bilang mga taong may kahihiyan sa sarili, may karapatan din sa privacy, at, higit sa lahat, may dignidad, masasabi ba nating ang bilangguang pinagdalhan sa kanila ay “places of re-education” at “place of re-insertion”? Malinaw na hindi.
Mga Kapanalig, ang mga preso ay tao rin. May natatangi ring pagkiling ang ating Panginoong Hesus sa kanila bilang mga anak niyang isinasantabi ng kanilang kapwa, kaya’t huwag nating hayaang magpatuloy ang hindi makataong pagtrato sa kanila. Bantayan natin ang gagawing imbestigasyon ng Commission on Human Rights.
Sumainyo ang katotohanan.