205 total views
Ito ang panawagan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa Vicariate launching ng Sanlakbay program ng Restorative Justice Ministry ng Caritas Manila sa San Juan Bautista parish o Pinaglabanan church, San Juan.
Ayon kay Cardinal Tagle, hindi dapat sinusukuan ang mga taong inaakala nating patapon na ang buhay at wala nang silbi sa lipunan.
Ipinaunawa ni Cardinal Tagle ang mga taong minamaliit at itinatapon ng lipunan ay lubos na pinapapahalagahan ng Diyos.
“Magandang leksiyon ito sa atin, huwag tayong magmamaliit ng tao, huwag tayong magsasabi na ang taong ito wal na itong silbi, huwag tayong sususko at magsasabi ang taong ito wala ng pag-asa, puwede na itong patapon. Hindi po baka tayo ay magulantang, ang tao na minamaliit at kulang na lang ay itapon, pupulutin yan ng Diyos at balang araw ang itinanpon mo baka iyan ang lalapitan mo, kailangan mo pala. Kaya iiwasan ang magmaliit ng kapwa, iwasan ang magsasabi wala kang silbi. Hindi natin alam kung ano ang gagawin ng Diyos, ang itinatapon ng tao pinahahalagahan ng Diyos at baka sa kamay ng Diyos may milagrong mangyayari .”apela ni Cardinal Tagle
Tiniyak naman ni Cardinal Tagle sa mga biktima ng pangmamaliit ng lipunan na huwag matakot dahil ang Diyos mismo ang mag-aangat sa kanilang buhay.
Naniniwala ang kanyang Kabunyian na ang mga taong itinapon at hindi pinahalagahan ay siyang itatampok ng Diyos at magiging daan ng paghilom ng lipunan at magpapaganda ng sambayanan.
Hinihikayat naman ni Cardinal Tagle ang mamamayan na ang programang Sanlakbay para sa nalulong sa illegal na droga ay nangangailangan ng pagtutulungan ng ibat-bang grupo kasama ang Simbahan at ng buong sambayanan.
Nilinaw ng Kardinal na ang Sanlakbay program ay pagpapakita sa mga taong gustong magbagong buhay na mayroon silang kasama sa kanilang paglalakbay tungo sa pagbabago ng buhay.
“Ang tawag sa ating programa ay Sanlakbay, isang paglalakbay tungo sa pagpapanibagong buhay. Hindi nakukuha sa isang iglap kailangan ng pagtitiyaga, isa itong journey, sama-samang naglalakbay. Mahirap maglakbay tungo sa bagong buhay, kung ikaw ay nag-iisa, kailangan natin ng kasama, kapatid, ka- manlalakbay .”paliwanag ni Cardinal Tagle
Ipinaalala naman ni Cardinal Tagle ang tatlong bagay na nakakasira sa dangal at buhay ng tao tulad ng pagbebenta sa tao o human traffic, huwag magmaliit ng tao at huwag iwanan ang taong gustong magbagong buhay.
“Una huwag ibebenta ang tao, mas mahalaga ang tao sa kahit na anong kikitain. Ikalawa, huwag mamaliitin ang kahit na sinong tao, ang taong minamaliit baka iyan ang itampok ng Diyos. At ikatlo, sa bawat tao na ibig magbagong buhay kailangan magtulong -tulong ang buong sambayanan. Ang tao ay produkto ng paglalakbay ng isang sambayanan .”paliwanag ni Cardinal Tagle
Inaanyayahan din ni Cardinal Tagle ang taumbayan sa pagsusuri ng ibat-ibang uri ng pagpatay sa dangal ng tao ngayong kuwaresma.