177 total views
Kinakailangang tutukan ng pamahalaan ang pangkalahatang karapatan ng mga mamamayan na maaring makatugon sa kahirapang nagtutulak sa karamihan na pumasok sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.
Ito ang panawagan sa pamahalaan ni Former Commission on Human Rights Chairperson Etta Rosales kaugnay sa “Project Double Barrel: Reloaded” ng Philippine National Police (PNP) na inilunsad noong ika-6 ng Marso bilang pagpapatuloy sa Anti-Illegal Drugs Campaign ng pamahalaan.
Pinayuhan ni Rosales ang pamahalaan at mga otoridad na paiiralin ang restorative justice at hindi ang pagpaslang sa mga sangkot sa ipinagbabawal na gamot na biktima lamang ng sitwasyon.
“Higit sa 7-libo na ang pinaslang dahil sa patakaran sa droga eh sana mabago na yan, ihinto na yung pagpapatay at bigyan ng pag-asa ang tao, ang restorative justice dapat, sapagkat ang mga nagdo-droga ay may sakit sila ito ay health problem. Yun namang mga peddlers yung nagbebenta ng droga malamang mahihirap lahat ito wala silang hanapbuhay, so dapat intindihin natin dun sa karapatan sa kabuhayan, karapatan sa kalusugan, karapatan sa buhay…”pahayag ni Rosales sa Radio Veritas
Matatandaang bago suspendihin ang Oplan Tokhang noong buwan ng Enero ay mahigit sa 7 libo na ang nasawi sa War on Drugs ng pamahalaan na nagsimula noong July 2016.
Habang sa kasalukuyan ay umaabot na sa 34 ang namatay sa implementasyon ng “Project Double Barrel: Reloaded” ng PNP na nagsimula lamang ngayong buwan ng Marso.
Sa tala, aabot sa 7,833 mga drug pushers at users na sumuko sa mga otoridad bukod pa sa 2,132 drug suspects na naaresto sa mga operasyon.
Samantala, una na ding nanawagan ang CBCP-NASSA/ Caritas Philippines sa pamunuan ng PNP na bilang mga tagapag-tiyak sa kaayusan at kaligtasan ng taumbayan ay kailangan nilang maging tapat, makatao at maka-Diyos sa pagganap ng tungkuling sinumpaan.
Read: http://www.veritas846.ph/makataong-police-procedure-hamon-sa-p-n-p-sa-oplan-tokhang-2/