156 total views
Ang panandaliang pagpapasailalim sa kadiliman ay magdudulot ng bagong lakas sa daigdig.
Ito ang inihayag ni Dumaguete Bishop Julito Cortez – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Health Care kaugnay sa nalalapit na pagdiriwang ng Earth Hour ngayong Sabado ika-25 ng Marso simula alas otso y medya hanggang alas nuebe y medya ng gabi.
Paliwanag ng Obispo, sa sandaling paghahari ng kadiliman ay muling madarama ng tao ang kapayakan ng buhay at ang simpleng daloy nito bago pa binulag ng mapangtuksong ilaw ng mundo ang mga tao.
“Itong pagdiriwang natin ng Earth Hour, pinaghahari natin ang kadiliman, kung gayon itong ating pagpapasailalim sa kadiliman sa loob ng isang oras ay isang pagtatangkang ulitin ang kapayakan sa ating buhay, gaya ng simpleng daloy ng buhay noon bago pa nadiskubre ang elektrisidad at pagkainosente n gating buhay noon bago pa tayo nalinlang ng mapantuksong ilaw ng mundo.” Pahayag ni Bp. Cortez sa Radyo Veritas.
Samantala iginiit naman ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes na ang pagrespeto sa Kalikasan ay may kaakibat din na pagrespeto sa buhay ng bawat nilalang na naninirahan dito.
“When you respect mother Earth, we respect everybody because of our relatedness to each other. That is a fundamental, physical, anthological, and theological reason why we should respect one another including Death Penalty” Pahayag ni Bp. Bastes sa panayam ng Radyo Veritas.
Dahil dito, ayon kay Bishop Cortez, nawa ay maging okasyon ang earth hour upang muling mamangha ang tao sa ganda ng kalikasan at mapahalagahan nito ang liwanag na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng buwan at mga bituin.
“Maging okasyon sana itong Earth Hour upang matamasa at mamangha ulit sa ganda ng kalikasan, katulad ng buwan at mga bituin na magliliwanag sa ating mga daraanan, bago pa sila itinago ng mga nakasisilaw at mga nakabubulag na mga ilaw mula sa elektrisidad sa ating kapaligiran.” Dagdag pa ni Bishop Cortez.
Nauna rito, nanawagan ang mga lider ng Simbahang Katolika na pagpahingain sandali ang mundo.
See: http://www.veritas846.ph/stop-ecocide-pagpahingain-ang-mundo/
Ngayong taon ang ika-sampung anibersaryo ng Earth Hour kung saang pangunahing panawagan ang pagtitipid sa kuryente, at tubig at iba pang likas na yaman ng mundo na unti-unti nang nauubos. Layon din nito na itaguyod ang paggamit sa mga renewable energy na sya ring inendorso ni Pope Francis sa Laudato Si.