192 total views
Ipinagmalaki ng Social Action Center ng Diocese of Tagbilaran,Bohol na patuloy silang nagsisikap para matulungan ang mga naapektuhan ng kalamidad partikular na nang naganap na magnitude 7.2 Earthquake mahigit tatlong taon na ang nakakalipas.
Ayon kay Rev. Fr. Felix Warli Salise, Social Action Director ng nasabing Diocese, aktibo ang kanilang hanay sa pagtulong sa mga mahihirap na mamamayan partikular na sa mga magsasaka at mga mangingisda kung saan kanila itong tinuturuan ng mga alternatibong solusyon at pamamaraan upang mapabuti ang kanilang kita at kakayanan.
Kasabay ng isinasagawa ngayong Alay Kapwa Launching ng Visayas Region sa Diocese of Borongan, Eastern Samar, sinabi ni Fr. Salise na patuloy nilang tinututukan ang pagtulong sa mga nangangailangan at katuwang ang iba pang institusyon ng Simbahang katolika gaya ng Caritas Philippines.
“Pagbalik ko dun[Tagbilaran] ipagpatuloy ko ang mga ginagawa natin kasi may tulong tayo from NASSA [Caritas Philippines] tinutulungan namin yun 600 farmers sa mga focus barangay, dun tayo tinuturuan natin sila na ma-empower sila, na huwag magtapon ng basura at gawing fertilizer. Tinawag natin na FarmFirst Project at maganda ang takbo ng project na yun, ito ang ambag natin sa mga maliliit na farmers, sa amin din may mga mangingisda na tinutulungan natin to add more incomes to their families.”pagbabahagi ni Fr. Salise
Magugunitang ang Alay kapwa ay isang programa ng Simbahang katolika tuwing panahon ng Kuwaresma kung saan ang nalilikom na pondo mula sa mga parokya ay siyan g tinutustos sa mga pangangailangan tuwing nagkakaroon ng kalamidad.
Magugunitang ang Diocese of Tagbilaran ang isa mga labis na napinsala ng Magnitude 7.2 Earthquake noong 2013.