161 total views
Nagpaabot ng panalangin at pagbati si dating CBCP President at Lingayen Dagupan Archbishop emeritus Oscar Cruz kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nagdiriwang ng kanyang ika-72 taong kaarawan ngayong Martes, ika-28 ng Marso.
Bahagi ng panalangin ng Arsobispo ang patuloy na paggabay ng Panginoon sa Pangulo na malaki ang tungkulin at gampanin bilang pinakamataas na pinuno ng bansa.
Bukod dito, ipinagdarasal din ni Archbishop Cruz ang patuloy na pagpapala ng Diyos kay Pangulong Duterte sa kanyang mga nagawang mabuti at masama sa kanyang buhay at sa mga susunod pang taon bilang Pangulo ng bansa.
“Binabati ko siya at pinagdadasal ko siya, mahirap po yung kanyang katungkulan meron po siyang syempre mga nagawang mabuti, meron ding mga gawaing hindi katanggap-tanggap so sana pagpalain siya ng Diyos sa mga darating pang panahon na siya’y nakaluklok bilang Pangulo. Sana po ang Panginoon ay gabayan siya sapagkat malaki po ang kanyang gawain, malalim po ang ibig sabihin ng kanyang tungkulin kaya po mas lalong higit niya kailangan ng Diyos sa ganyang mga pagkakataon yun lamang naman po at maligayang birthday sa kanya…” pagbati ni Cruz sa panayam sa Radio Veritas.
Nanumpa sa katungkulan noong ika-30 ng Hunyo, 2016 si Pangulong Duterte bilang ika-16 at pinakamatandang naging Presidente ng Republika ng Pilipinas sa edad na 71-taong gulang at siya ring unang Pangulo mula sa Mindanao.
Ang Pangulong Duterte ay nahaharap sa kaliwat-kanang batikos dahil sa madugong kampanya kontra droga.
Samantala, sa kabila ng suporta ng Simbahang Katolika sa mga sa adhikain at layunin ng Administrasyong Duterte sa pagsasaayos ng bansa ay mariin naman nitong tinututulan ang ilang sa mga panukalang batas na itinuturing na ‘death bills’ na nais ipatupad ng administrasyon partikular na ang pagbabalik ng Capital Punishment na Death Penalty at pagpapababa ng Criminal Liability Age ng mga kabataan mula edad 15-taong gulang pababa ng 9 na taong gulang.