315 total views
Mga Kapanalig, kilala ba ninyo ang kapitan ng inyong barangay? Siya ba ang inyong inihalal?
Kung si Pangulong Duterte ang tatanungin, mas gugustuhin niyang siya na lamang ang pumili at mag-appoint ng OIC o officer-in-charge ng ating mga barangay kung tuluyang ipagpalibang muli ang barangay elections na nakatakdang isagawa ngayong Oktubre. Katwiran niya, ang pagpapaliban sa barangay elections at ang pagpili niya ng mga OIC ay makatutulong upang matiyak na hindi mahahalal ang mga kandidatong pinopondohan ng mga drug lords. Paraan umano ito upang tuldukan ang tinatawag na narco-politics.
Matatandaang ito rin ang naging dahilan ni Pangulong Duterte kung bakit niya ipinagpaliban ang barangay elections noong nakaraang taon, na sinuportahan naman ng Kamara. Ang pagkakaiba nga lamang ngayong taon, sa halip na magpatuloy ang pamumuno ng mga nakaupo, ang gusto ng pangulo ay siya mismo ang maghirang ng hindi bababa sa 42,000 na OIC sa mga barangay sa buong bansa.
Sa inyong palagay, makatwiran bang ipagpalibang muli ang paghalal natin ng mga mamumuno sa ating mga barangay? Makatwiran din bang ilagay sa kamay ng iisang tao ang pagpapasya sa kung sino ang magpapatakbo ng ating barangay?
Sa maraming lugar, ang mga opisyal ng barangay ang unang tinatakbuhan sa tuwing may problemang sangkot ang mga magkakapitbahay. Ang pamahalaang pambarangay din ang may patakaran at proyekto para sa kaayusan at katahimikan ng ating lugar (katulad ng pagpapatupad ng curfew hours, paglilinis ng bangketa, at anti-rabies para sa mga aso). Sila rin ang unang antas sa sistemang pangkatarungan at nagpaplantsa ng mga gusot sa pagitan ng mga magkakabarangay. Malaki ang papel na ginagampanan ng pamahalaang pambarangay, kaya’t kapwa ang mga opisyal at ang mga naghalal sa kanila ay dapat na pinahahalagahan ang pananagutang nasa kanilang mga balikat. At dahil tayong mga nasa mga pamayanan ang pinakaunang naabot ng pamahalaang pambarangay, marapat lamang na tayo mismo ang pumili ng mga taong mamumuno sa atin, at hindi hayaang iisang tao lamang ang pumili, kahit siya pa ang pinakamataas na pinuno ng ating pamahalaan.
Isipin natin ang ganitong scenario: Paano tayo makapagpapahayag ng ating pagtutol sa mga nangyayaring patayan at paglabag sa karapatan pantao kung ang mga lalapitan natin sa barangay ay may utang na loob sa isang taong nagsusulong ng marahas na pagsugpo sa problema ng droga?
Inilalahad sa mga Catholic social teaching na pinakamainam ang pagtugon sa mga isyu at usaping nakaaapekto sa atin kung sisimulan at gagawin ito sa pinakamababang antas ng pamahalaan. Sa kaso natin, ito ay sa antas ng ating barangay. Ito ang prinsipyong kung tawagin sa Ingles ay subsidiarity.
Ayon sa Catholic social teaching na Centesimus Annus, hinihingi ng prinsipyo ng subsidiarity mula sa pamahalaan na kilalanin ang kakayanan ng mga pamayanang gaya ng barangay na sama-samang tugunan ang kanilang mga suliranin. Samakatuwid, bagamat may pakialam ang mga namumuno sa ating pambansang pamahalaan sa mga nagaganap sa mga pamayanan at barangay, hindi dapat tapakan o alisan ng responsibilidad ang mga taong malayang pinili ng mga mamamayan na paglingkuran ang kanilang barangay.
Kung tototohanin ang paghirang ng mga OIC sa ating mga barangay sa halip na ituloy ang halalang pambarangay, para na ring tinanggalan ang mga mamamayan ng karapatang piliin ang kanilang mga pinuno sa barangay. Sa Catholic social teaching na Quadragessimo Anno, salungat sa prinsipyo ng subsidiarity ang pag-aalis sa isang indibidwal ng kalayaang gawin ang isang bagay na kaya na niyang gawin katulad ng pagpili ng kanyang lider.
Mga Kapanalig, sa huli, nasa ating mga kamay ang kahihinatnan ng ating barangay. Ang pagpili ng mga mabubuting mamumuno ng ating barangay ay tungkuling dapat nating gampanan at panagutan. Hindi sa iisang tao, kundi sa ating mga magkakabarangay nagmumula ang katatagan ng ating bayan, at nagsisimula ito sa ating mga barangay.
Sumainyo ang katotohanan.