389 total views
Nilinaw ng CBCP Episcopal Commission on Health Care na hindi kinakailangan pilitin ng mga taong may karamdaman at may mga edad na magsagawa ng abstinence o fasting ngayong panahon ng Kuwaresma.
Ayon kay Rev.Fr. Dan Cancino, Executive Secretary ng Komisyon, bagamat hinihimok ng Simbahang Katolika ang mga mananampalataya na magsagawa ng pag-aayuno sa pamamagitan ng Fasting o Abstinence bilang pakikiisa sa paghihirap ni Hesu-Kristo, hindi naman ito kailangan ipilit lalo na kung ang isang indibidwal ay kinakailangan kumain para sa kanyang pangangailangang pangkalusugan.
“Kung ito ay delikado na sa iyong kalusugan ikaw ay may pinagdadaanan na pagpapagaling at kailangan mong kumain, kailangan mo ng nutrisyon, may iba’t-ibang paraan tayo kung paano magsakripisyo. tingnan natin kung ano ang ibig sabihin talaga kung bakit kailangan mag-fasting, bakit kailangang mag abstinence, bakit kailangan ng alms giving.”pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas 846.
Naniniwalai si Father Cancino na maraming ibang pamamaraan para magsagawa ng pakikibahagi sa diwa ng kuwaresma maliban sa pag-aayuno basta’t ang layunin at tunay na niloloob nito ang mangibabaw sa isang mananampalataya.
“Ang pinaka puso, yung sakripisyo, yung pagbibigay ng sarili, yung taos-puso na nagbibigay tayo ng sarili natin sa Diyos at magbibigay din tayo ng sarili natin sa mga minamahal ng Diyos sa iyong kakayahan kung ikaw ay may sakit kung ikaw ay may limitasyon meron kang pwedeng gawing sakripisyo na hindi talaga nakakasama din sa iyong kalusugan.”dagdag pa ni Fr. Cancino.
Tiniyak ng Pari na kinokonsidera ng Simbahan ang layunin ng pag-aayuno higit sa pamamaraan ng pagsasagawa nito.
Gayunpaman, hinihimok ng komisyon ang bawat mananamapalataya na ibahagi ang ating mga sarili sa kapwa ngayong panahon ng kuwaresma.
Magugunitang ang Simbahang katolika ay may iba’t-ibang programa kasabay ng lenten season gaya ng Hapag-Asa feeding Program at Alay Kapwa.
Sa pamamagitan ng hapag-asa ay libo-libong mga malnoursihed children ang napapakain ng Simbahang katolika habang dahil naman sa Alay Kapwa ay nakakatugon ito sa pangangailangan ng mga naapektuhan ng kalamidad at mga mahihirap.
Ipinaalala ni Caritas Philippines national director Nueva Caceres Archbishop Rolando Tirona na ang pagtulong sa kapwang nangangailangan ang tunay na diwa ng Kuwaresma.
Read: http://www.veritas846.ph/pagtulong-sa-mga-nangangailangan-diwa-ng-kuwaresma/
Tinatayang mahigit sa 80 porysento ng populasyon sa Pilipinas ay itinuturing na mga katoliko.