255 total views
Ipinaliwanag ni Atty. Edward Chico – Ateneo Law School Professor, na ang Presidential Pardon ay natatanging kapangyarihan na iginagawad sa Pangulo ng bansa.
Kaugnay ito sa pahayag ni President Rodrigo Duterte na maaari niyang patawan ng pardon ang mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.
Ayon kay Atty. Chico, bagamat ito ay may legal na batayan, kinakailangan paring tingnan kung moral ang magiging batayan ng pagpapatupad ng kapangyarihan.
“Ito ay unique na pagkakataon na pwedeng i-exercise ng pangulo, kaya lang morally maaring magkakaproblema tayo dyan sapagkat hindi yan magugustuhan ng taumbayan. Kase kung obviously guilty itong mga tao na to, so supposedly they should pay,” bahagi ng pahayag ni Chico sa programang Veritas Pilipinas.
Nilinaw ni Chico na kung i-pardon ng Pangulo ang mga pulis ay wala pang kaso na naidudulog sa Supreme Court kaugnay sa ganitong sitwasyon.
Ipinaliwanag naman ni Chico na kung nais ng sinuman na panagutin ang Pangulo sa ganitong aksyon ay maaari itong maging batayan ng “Betrayal of Public Trust”.
“Ngayon, kung wala pa tayong pagbabatayan, maaari nating subukan, a tax payer can practically file a case against that assuming the president does that, but at the end of the day right now, if you ask me technically, he can really do that, ang mangyayari lang dyan, tama ba yan morally? So ang maaari nating gawin, puwede nating i-consider yan na betrayal of public trust. Kasi yung betrayal of public trust pwede yan as a ground for impeachment,” dagdag pa ni Atty. Chico.
Sa kasalukuyan, 18 pulis na hinihinalang sangkot sa pagpatay kay Mayor Espinosa ang nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Group Region 8 sa Leyte.
Una nang iginiit ng Simbahang Katoliko na nararapat pa ring pairalin ng mga otoridad ang proseso ng batas at bigyang paggalang ang karapatang pantao maging ng mga hinihinalang sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.