337 total views
Kabibilangan ng mga drug addict, drug surrenderees, mga pulis, opisyal ng pamahalaan, volunters at mga mahal sa buhay ng mga biktima ng extra-judicial killings ang gaganap na 12-Apostol sa washing of the feet na pangungunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa Manila cathedral sa Holy Thursday.
Unang nanawagan si Cardinal Tagle na huwag sukuan ang mga nalulong sa illegal na droga at maging gabay sa kanilang pagbabago kayat nakikipag-partner ang Simbahan sa pamahalaan para sa rehabilitation program.
Kasabay nito ang ang pagkondena ng Kardinal sa pagtitinda ng illegal na droga na isang paraan ng pagpatay sa kapwa.
Ipinaliwanag ni Cardinal Tagle ang tunay na diwa ng “washing of the feet” o ang paghuhugas ng paa na ginawa ni Hesus sa 12-Apostoles noong huling hapunan ay gawain ng isang alipin na sumisimbolo ng kababaang loob at isang wagas na pag-ibig na naglilingkod sa kapwa.
Ayon kay Cardinal Tagle, sumisimbolo din ito ng pagiging mabahabagin ng Diyos na ang pagsunod sa kanyang yapak ay sa pamamagitan ng mababang loob na naglilingkod.
Sinasabi sa ebanghelyo ni San Juan kabanata 13 talata 14: “Kung akong Panginoon ninyo at guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din kayong maghugas ng paa ng kapwa.”
Samantala, pangungunahan ng kanyang Kabunyian ang Holy week activities sa Arkdiyosesis ng Maynila.
Main celebrant si Cardinal Tagle sa Palm Sunday of the Lords Passion sa ika-9 ng Abril ganap na alas-siete ng umaga sa Manila Cathedral.
Chrism mass sa Holy Thursday ika-13 ng Abril ganap na alas-siete ng umaga at evening mass ng The Lords Supper ng alas-singko ng hapon.
Pangungunahan din ni Cardinal Tagle ang Good Friday commemoration of the Lord’s Passion sa ika-14 ng Abril, alas tres ng hapon, Easter vigil sa Holy Saturday ganap na alas-otso ng gabi at Easter Sunday mass sa ika-16 ng Abril sa Manila Cathedral.