180 total views
Umaasa ang Commission on Human Rights o C-H-R na magiging matatag pa ang kasalukuyang ugnayan ng Philippine National Police sa Kumisyon ng Kagawarang Pantao.
Inihayag ni Atty. Jacqueline Ann de Guia, tagapagsalita ng C-H-R na magandang development ang pagbuo ng P-N-P ng Human Rights Affairs Office na tututok sa anti-drug campaign ng pamahalaan.
Ayon kay De Guia, makatutulong sa pagsisiyasat ng C-H-R sa mga insidente ng extra-judicial killings ang magandang ugnayan sa P-N-P.
“Ang Philippine National Police sa pamamagitan ng kanilang PNP Human Rights Affairs Office ay merong kumonikasyon at patuloy na pakikipagtulungan sa Kumisyon ng Karapatang Pantao. Mas ninanais natin na mas lalo pa itong lumalim sa mga susunod na buwan habang ang kumisyon ay nagpapatuloy sa kanyang pag-iimbestiga sa mga insidente ng extra-judicial killings…” pahayag ni de Guia sa panayam sa Radio Veritas.
Bukod dito, umaasa rin ang kagawaran na mapagtitibay ng dalawang ahensya ang pakikipagpalitan ng mga dokumento sa lahat ng mga operasyon kaugnay ng anti-illegal drug campaign ng pamahalaan upang mabilis na matutuklasan at malilinawan ang lahat sa mga kaso ng extra judicial killings na inuugnay sa mga pulis.
Matatandaang bago suspendihin ang Oplan Tokhang noong buwan ng Enero ay umabot na sa mahigit 7-libo ang nasawi sa War on Drugs ng pamahalaan na nagsimula noong July 2016.
Habang sa kasalukuyan ay umaabot na sa higit 40-indibidwal ang namatay sa implementasyon ng “Project Double Barrel: Reloaded” ng PNP na nagsimula lamang noong buwan ng Marso.
Kaugnay nito, puspusan ang isinasagawang pagpapalawig ng Simbahang Katolika sa drug rehabilitation program ng Simbahan na “Sanlakbay para sa Pagbabagong Buhay” na siyang tugon ng Simbahan sa kampanya ng Duterte Administration laban sa illegal na droga at ng nauna ng idineklara ni Pope Francis na Year of Mercy.
Read: http://www.veritas846.ph/huwag-sumuko-sa-mga-naligaw-ng-landas-sa-droga-cardinal-tagle/