227 total views
Nagpaalala si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity sa mga mamamayan na magbabakasyon ngayong tag-init na alalahanin ang responsibilidad na iniatas ng Diyos sa tao.
Ayon sa Obispo, sa kabila ng pagsasaya habang binibisita ang ganda ng kalikasang nilikha ng Panginoon ay dapat isapuso ng bawat tao ang tungkulin sa pangangalaga sa kalikasan.
Iginiit ni Bishop Pabillo na sa pagbisita ng mga tao sa naggagandahang isla ng Pilipinas, ay huwag itong mag-iwan ng mga kalat o gumawa ng mga bagay na makasisira sa kalikasan.
“Ngayong summer vacation, sana isipin ng mga kabataan natin ang panahon na ito na talagang makapag relax at makagawa ng kabutihan, lalo na ang kabutihang magagawa natin ay hindi lang pagbisita kundi pangangalaga sa ating kalikasan. At kung tayo’y bibisita naman sa magagandang beach natin, magandang mga lugar natin sana huwag nilang sirain at huwag silang mag-iwan ng mga makasisira sa mga ito,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Batay sa Department of Tourism nitong 2017 mahigit na sa 600 libong MARK down ang inbound visitors ng Pilipinas nito lamang unang bahagi ng taon.
Inaasahan pang madaragdagan ang mga turistang dadagsa sa Pilipinas, matapos mapasama ang Palawan sa Top 5 Best Islands in the World at hirangin ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization o UNESCO bilang isa sa mga World Heritage sites.
Una nang ipinaalala ng kanyang Kabanalan Francisco na iwaksi ang Throw Away Culture o ang pagiging maaksaya ng tao sa likas na yaman ng mundo at sa mga kagamitan na nagiging kalat sa kapaligiran