177 total views
Imbestigahan at kasuhan sa korte ang mga narco-politicians.
Ito ang hamon ni Center for People Empowerment in Governance vice-chairman Professor Roland Simbulan sa pamahalaan at Kongreso sa halip na pagtuunan ng oras ang pagsusulong ng muling pagpapaliban ng SK at barangay elections na nakatakda sa Oktubre 2017 at i-appoint na lamang ang mga barangay officials.
Iginiit ni Simbulan na hindi sapat na batayan ang usapin ng ‘Narco-politics’ sa mga barangay upang tanggalin ang karapatan ng taumbayan na bumoto at maghalal ng mga opisyal ng kanilang pamayanan.
Paliwanag ni Simbulan na dapat idaan ng pamahalaan sa tamang proseso ng paglilitis at paghuhukom ang sinasabing 40-porsiyento o nasa 1,684 na mga kapitan ng barangay na may kaugnayan sa illegal drug trade mula sa 42,036 na mga barangay sa buong bansa.
“You prosecute those whom you have evidence against, ibig sabihin kung some governors and even mayors or congressmen are some of them maybe involve in Narco-politics you remove the right of the people to elect them tapos i-appoint nalang sila, I don’t think it’s a good argument or its logical kasi kung may ebidensya sila against certain barangay officials, you gather the evidence and prosecute them meron naman tayong court…” pahayag ni Simbulan sa panayam sa Radio Veritas.
Nauna rito, hinamon ng isang kapitan ng barangay ang Pangulong Rodrigo Duterte na isapubliko ang pangalan ng mga narco-politicians.
Read: http://www.veritas846.ph/pangulong-duterte-hinamong-isapubliko-ang-mga-barangay-captain-na-sangkot-sa-droga/
Batay sa tala ng CenPEG, kung tuluyang igigiit ang panukalang House Bill 5359 o ang muling pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections, aabot sa 336,288 opisyal kabilang na ang mga kagawad ng bawat barangay ang itatalaga ng pamahalaan.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahang Katolika, hindi nararapat balewalain ang kasagraduhan ng pagboto, bilang isang mahalagang sangkap ng demokrasya at unang hakbang para sa pagbabago ng lipunan.