153 total views
Bigyan ng boses ang mga naiwang mahal sa buhay ng mga namatay sa pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
Ito ang paa-lala ng Commission on Human Rights o C-H-R kaugnay sa panibagong adbokasiya ng kagawaran na pagbibigay daan sa boses at kuwento ng mga namatayan ng kapamilya at mahal sa buhay sa patuloy na war on drugs ng pamahalaan.
Inihayag ni Atty. Jacqueline Ann de Guia – tagapagsalita ng C-H-R na kalimitang hindi nabibigyang pansin ang kalagayan ng mga naiwang kapamilya ng mga namatay sa operasyon ng mga pulis maging ito ay lehitimo o sa mga kaso ng death under investigation.
“Malimit nakakalimutan natin yung mga namatay ay may mga naiwang kababaihan,apektado sila, nagdurusa. Maraming epekto ito sa kanilang buhay pangkalahatan at mahalaga na bibigyan sila ng boses na pakinggan yung kanilang mga kwento…”pahayag ni CHR Spokesperson sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, sa Misang pinangunahan ni Novaliches Bishop Antonio Tobias para sa mga pamilya at biktima ng Extra-judicial killings ay nilinaw ng Obispo na katuwang ng pamahalaan ang Simbahan sa mga layunin nitong mapabuti ang bayan taliwas sa pinaniniwalaan ng marami na kinakalaban nito ang pamahalaan.
Pagbabahagi ni Bishop Tobias ang Simbahan, mga Obispo at mga Pari na pinagsasalitaan ng masama ng Pangulo ay ang mga tumutulong sa mga biktima ng malupit na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga, partikular na sa mga naiwang mahal sa buhay ng may higit sa 7-libong nasawi sa tinaguriang War on Drugs.
Habang sa kasalukuyan ay umaabot na sa higit 40-indibidwal ang namatay sa implementasyon ng “Project Double Barrel: Reloaded” ng PNP na nagsimula lamang noong buwan ng Marso.
Una na nang nilinaw ni CBCP President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas na buo ang suporta ng Simbahan sa mga programa ng pamahalaan tulad ng pagsusulong sa kapayapaan at pagpapaunlad sa buhay ng mahihirap ngunit hindi maaring manahimik na lamang basta sa mga programang labag sa moralidad at karapatang pantao ng bawat mamamayang Pilipino.