190 total views
Ito ang inihayag ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco, sapagkat sa mga Mahal na Araw ipinakita ng Diyos ang kanyang malalim at marubdob na pagmamahal sa tao.
Dagdag pa ng Obispo, ang pagmamahal na ito ay kanyang ipinamalas nang hindi niya ipagkait ang kanyang anak na nag-alay ng sarili upang tubusin sa kasalanan ang sanlibutan.
“Ito ang pinakarurok ng pagdiriwang sa buong taon kaya tinatawag nating mga mahal na araw of course bawat araw ay mahal, at ipinapakita ng Diyos ang kaniyang pagmamahal sa iba’t ibang paraan. Kaya nga itong mga mahal na araw, ito’y mga araw na nakafocus tayo kung saan pinakita ng Diyos ang kanyang malalim, marubdob na pagmamahal sa tao, hindi ipinagkait ng Diyos ang kanyang anak, inialay at ang Diyos si Hesus, kusang ipinagkaloob, inialay ang kanyang sarili para tayo ay tubusin,” pahayag ng Obispo sa panayam ng Veritas patrol.
Kaugnay dito, ipinaalala ng Obispo sa mga mananampalataya na mahalagang magsumikap ang tao upang masuklian ang pagmamahal na ipinamalas ng Diyos.
Ayon kay Bishop Ongtioco sa pamamagitan ng pagsusumikap na magpakabanal at paggawa ng kabutihan sa kapwa ay naipadadama din tao ang kanyang pagmamahal sa Panginoon.
Bukod dito, sa pagsasakripisyo para sa kapwa ay nagiging kabahagi na rin ang tao sa ginawang pagpapakasakit ni Hesus sa Krus.
“Ito ay isang mabigat na dahilan kung bakit kailangan tayong magsikap upang maging mabuting-tao at magpakabanal dahil sa awa at pagmamahal ng Diyos. Tayo’y makibahagi sa kanyang buhay, at tayo’y makikibahagi sa kanyang buhay kapag tayo’y nagsisikap, maging banal, makinig at isabuhay ang ating pananampalataya ang kanyang salita at mga turo.” Paalala ng Obispo.
Ang Diyosesis ng Cubao ay binubuo ng 47 na parokya na nahahati sa 6 na bikaryato. Ito ay may humigit-kumulang 50 na pari at 1, 268, 811 na binyagang Katoliko.
Matatandaang tayo rin ay pinaalalahanan ni Pope Francis na ngayong mga Mahal na Araw, ating ituon ang ating paningin kay Hesus at humingi ng biyaya na ating mas maintindihan ang misteryo ng kanyang pagpapakasakit alang-alang sa atin.