169 total views
Nanindigan ang European Commission sa kanilang commitment para sa kapayapaan at pag-unlad ng Mindanao sa isinagawang Mindanao Fund Reconstruction and Development Program sa Davao City.
Tiniyak ni European Union Ambassador Franz Jessen na ang E-U ay maaasahan,impartial at committed na partner sa pagsusulong ng kapayapaan at pag-unlad sa rehiyon ng Mindanao.
Ayon kay Jessen, patuloy na pinapalakas ng E-U ang partnership nito sa administrasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte.
“EU is a reliable, impartial and committed partner in the pursuit of peace and development in Mindanao. It remains steadfast in its resolve to continue strengthening this partnership in the future”.pahayag ni Jessen.
Inihayag ni Jessen na inaayos na ng E-U ang isang comprehensive peace and development programme na tututok sa mga confidence building measure at pagkakaroon ng inclusive growth sa Mindanao upang makamit ng Pilipinas ang pangmatagalang kapayapaan.
Sinabi ni Jessen na inaprubahan na ng E-U ang 200-milyong pisong pondo na suporta sa mga hakbang ng gobyerno tungo sa ikakatagumpay ng peace process sa pagitan ng gobyerno at mga rebeldeng grupo.
Sa kasalukuyan, ang European Union ang pangunahing contributor sa multi-donor trust fund sa nakalipas na 11-taon kung saan ang programa ay nakagawa ng mahigit sa 500 community sub-projects para sa 650,000-mamamayan sa kabuuang 316-conflict-affected communities sa Mindanao.
Layon ng Mindanao Trust Fund na tumulong sa “socio-economic recovery” ng mga lugar na apektado ng labanan at kaguluhan.(Arnel Pelaco)