1,546 total views
Tanging hinahangad ng parish Priest sa loob ng Hacienda Luisita ang kaunlaran at kapayapaan sa mga barangay na sumasakop sa lupain ng pamilya Cojuangco.
Tiwala si Father Lito Santos, Parish Priest ng Our Lady of Lourdes sa barangay Central. Tarlac city na maipagkaloob at matiyak ng mga otoridad at pamahalaan ang katahimikan sa loob ng Hacienda Luisita upang magkaroon ng tunay na kaunlaran sa mga magsasaka.
“Sa ating pamahalaan kaisa ako sa mga asosasyon ng barangay captain sa loob ng hacienda luisita na naghahangad ng kapayapaan. Appeal namin sa pamahalaan na gawin ang lahat para maging maayos, matiwasay at maging maunlad ang buhay ng mga tao hindi lang mga magsasaka sa loob ng hacienda luisita. Hiling po namin yun, ipinapanalangin po namin yun and whatever ang simbahan ay palaging nakasuporta sa ating pamahalaan anumang program yan lalu na para sa ikabubuti ng ating mga kapatid, ating mga mamamayan. Whether we are catholics or muslim iisa ang hangad natin kapayapaan kaunlaran at katahimikan.”pahayag ni Father Santos sa Radio Veritas
Umaapela ang pari sa mga magsasaka na huwag kakalimutan na tanging katiwala lamang sila ng lupang ipinagkaloob sa kanila at matutunang linangin at pagyamanin ang ibinigay na biyaya ng Diyos.
Naniniwala ang pari batay sa kanyang monitoring na naipamahagi na ang kabuuang 4.500 ektarya ng lupa ng hacienda luisita sa farmer beneficiaries alinsunod sa kautusan ng Korte Suprema noong pang taong 2012.
“Nadistrubute na ng dating administration, yung tambiyulo naipamahagi na at early this year nakatanaggap ako ng imbitasyon ng DAR at provincial government ng Tarlac kaugnay sa pagdi-distribute ng huling 101-hectares.”paglilinaw ng pari
Aminado rin ang pari na mayroong mga programa ang pamahalaan para suportahan ang mga magsasaka subalit kulang pa rin sa kasalukuyan.
“Mayroong mga programa ang gobyerno sa pamamagitan ng DAR. Nakakaunawa din po tayo gawa ng bago ako pumasok sa seminaryo ako po ay geodetic Engineer kaya mayroon tayong partisipasyon sa programang binibigay nila sa mga farmers at bukod doon may programa din ang CBCP-NASSA.
Noong nakaraang linggo, winasak ng may 700 magsasaka ang isang bahagi ng pader ng Hacienda Luisita at nagbarikada sa loob upang ipanawagan ang pagkaloob sa kanila ng 900-hektarya ng lupain.