2,411 total views
Hinamon ng legal counsel ng Alyansa ng Mambubukid sa Hacienda Luisita ang Department of Agrarian Reform na tingnan ang kalagayan ng mga magsasaka sa hacienda.
Inihayag ni Atty. Jobert Pahilga na maraming farmer beneficiaries ang naghihirap at napipilitang magpaupa ng kanilang lupa dahil sa kawalan ng kakayahang linangin ang mga lupang ipinagkaloob ng pamahalaan.
“Itong mga magsasaka ngayon ay tumatanggap lang ng yearly rental,sa pagkakaalam ko ay 7,000 pesos a year. So wala po din essential ang pinaglaban nila at nagkaroon na ng panibagong mukha yung control ng Hacienda Luisita,”pahayag ni Pahilga sa Radio Veritas
Iginiit ni Pahilga na siyasating mabuti ng D-A-R ang mga farmer beneficiary dahil ang kakulangan sa suporta ng pamahalaan ang nag-uudyok sa mga magsasaka na parentahan ang kanilang lupa.
Kaugnay nito, nagpasalamat pa rin si Pahilga kay D-A-R secretary Rafael Mariano sa pauna nitong tulong na pagbibigay ng tatlong traktora sa mga magsasaka.
Matatandaang nagrally ang may 700 mga magsasaka sa hacienda upang ipanawagan na ipagkaloob ang natitirang 900 hektarya ng lupa na una nang ipinag-utos ng Korte Suprema na ipamahagi sa magsasaka noon pang 2012.
Nauna rito, inihayag ni Father Lito Santos,parish priest ng Our Lady of Lourdes na tanging hangad ng Simbahan ang kapayapaan at kaunlaran sa Hacienda Luisita.
Read: http://www.veritas846.ph/kaunlaran-kapayapaan-sa-hacienda-luisita-hangad-ng-simbahan/