246 total views
Dapat bigyang halaga ang mga manggagawa.
Ayon kay Rosario Bella Guzman, executive Director ng Ibon Foundation, bawat isa ay dapat kilalanin na ang right to work ay isang karapatan ng mamamayan para magkaroon ng disenteng pamumuhay.
Base ulat ng National Economic and Development Authority nitong Enero 2017, umaabot sa 6.6 percent ang unemployment mula sa 60 milyon ng kabuuang labor force sa Pilipinas na mas mataas kumpara sa 5.7 percent sa nakalipas na taon.
Dagdag pa ni Guzman, bukod sa trabaho dapat ding magkaroon ng karampatang sahod at benepisyo ang mga manggagawa upang maiplano nito nang maayos ang kaniyang buhay kabilang na ang pagpapamilya.
“Napakasipag ng mga Filipinong manggagawa, kaya nga sabi nila tatlong kahig wala pa ring tuka. Bagama’t mas malaki ang sweldo natin sa Chinese workers, pero ang mga manggagawa doon ay sinusundo ng gobyerno sa bahay nila at inihahatid sa mga pabrika, at sila ay may libreng edukasyon at may mababang cost sa health services,” ayon kay Guzman.
Sa isang mensahe ni Pope Francis, isa sa pangunahing karapatan ng isang tao sa lipunan ang pagkakaroon ng marangal na trabaho na may karampatan sahod at benepisyo para sa kanilang paggawa upang maitaguyod ang kanilang pamilya.
“Kaya nga kung kinukumpara ang wage level, maaring mas mataas tayo in terms of dollar parity considering na pare-pareho tayo ng dollar value. Pero wala na tayong social services, lahat ay nagtataasan. Even public utility, singilin sa kuryente, tubig ay nasa pribadong sector pero sa ibang mga bansa ay subsidized yung mga ganun kaya sa ilang bansa kapag wala kang trabaho o mababa ang suweldo mo ay may gobyerno na aalalay sa ‘yo,” dagdag pa ni Guzman.
Ayon sa fastcompany.com ang Norway at Denmark ang nangunguna global ranking sa pagpapatupad ng karapatan ng mga manggagawa tulad ng kasiguraduhan sa trabaho.