261 total views
Humihingi pa ng kaunting panahon ang Pangulong Rodrigo Duterte para ipatupad ang total ban ng labor contractualization.
Ito ang inihayag ni Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) Spokesperson Alan Tanjusay matapos ang pakikipagpulong kay Pangulong Duterte.
“Napakahaba na po ng struggle namin tungkol dito sa end contractualization, kaya hindi na namin bibitawan ito. Pero ang implication ho ng ganyang statement ay ung nagka-ayos ang labor coalition at ibang labor group na i-engage ang pangulong Duterte at bigyan sya ng legal frame work,” ayon kay Tanjusay.
Hindi rin sang-ayon ang TUCP sa inilabas na department order 174 na hindi naman tunay na magbibigay ng kasiguraduhan sa trabaho ng mga manggagawa.
Read:
Manggagawa, talo sa end ‘the end’ ng Endo
Sinabi ni Tanjusay, tiniyak naman ng Pangulo ang muling pakikipagpulong sa TUCP na itinakda sa ika-10 ng Mayo bagama’t wala pang ibang detalye na inilalabas ang Malacanang.
“Isyu ng contractualization, ‘yan pa rin ang surpresa ng Pangulo. Ibig ko sabihin, di sya tumalikod sa commitment sa amin na tanggalin ang contractualization. Sabi nya mag-draft kayo ng executive order at magkita tayo ulit sa May 10,” ayon pa kay Tanjusay.
Bukod sa isyu ng ‘endo’, kabilang sa hiling ng TUCP ang pagkakaroon ng P500 subsidy kada buwan para sa manggagawa lalu’t patuloy na bumababa ang purchasing power ng piso sa bansa.
Read:
P500 subsidy para sa mga manggagawa iginiit ng TUCP
Paliwanag pa ni Tanjusay, sinabi ng Pangulo na kailangan munang matanggal ang ilang mga balakid para tuluyang matanggal ang contractualization sa bansa, kabilang na ang mga usapin ng seasonal at project based workers.
Noong taong 1891 nang ilabas ni Pope Leo X111 ang encyclical na Rerum Novarum na layung bigyan pansin ang kalagayan ng mga manggagawa at kapitalista sa buong mundo at bigyang katarungan ang working class na isa sa susi ng pag-unlad ng bawat lipunan.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority noong January 2017, umakyat sa 6.6% ang unemployment rate sa bansa, mas mataas kumpara sa 5.7% noong nakaraang taon.
Base naman sa pinakahuling pag-aaral ng Social Weather Station, 11.5 milyong pamilyang Filipino ang nagsasabing sila ay mahirap kumpara sa 10 milyong pamilya sa nakalipas na Disyembre.
Ang Pilipinas ay binubuo ng 69.4 milyong manggagawa may trabaho o wala na nasa edad 15 taong pataas.