323 total views
Suportado ng Department of Social Welfare and Development ang mga kautubo sa pagprotekta sa kanilang ancestral domains.
Sa isinagawang Mangyan day 2017 kung saan nagtipon-tipon ang pitong tribo ng mga Mangyan sa Mindoro, inihayag ni DSWD Secretary Judy Taguiwalo na sisikapin nitong maiabot sa mga katutubo ang lahat ng tulong na maaaring maibigay.
“Atin pong aaralin ang mga programa at serbisyo na ating maaring maiabot sa mga kababayan nating Mangyan sa Mindoro. Sa direktiba na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte, sisikapin nating mas abutin ang iba’t-ibang grupong katutubo sa ating bansa upang makapaghatid ng maagap at mapagkalingang serbisyo,” pahayag ni Taguiwalo.
Inihayag ni Taguiwalo na bahagi ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte ang suportahan ang mga katutubo sa pangangalaga sa kalikasan.
Nangako ang kalihim na poprotektahan nito ang mga lupang minana ng mga katutubo laban sa mga mining operations na kalimitang nagiging sanhi ng pagdami ng internally displaced person sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Suportahan natin ang mga adhikain ng mga kababayan nating Katutubong Mangyan na pangalagaan ang kalikasan at ang kanilang lupang ninuno laban sa mga mapanirang mining operations at pangangamkam ng mga korporasyong ganid sa tubo. Makiisa tayo sa kanilang mga panawagan para sa pagpapahinto sa mga proyektong sumisira sa kalikasan at nagpapalayas sa mga komunidad ng katutubo at mga magsasaka mula sa kanayunan,” dagdag pa ng kalihim.
Sa tala ng UNDP Philippines o United Nations Development Programme mayroong 14 hanggang 17 milyong katutbo sa Pilipinas na kabilang sa 110 ethnic groups.
Batay naman sa Internal Displacement Monitoring Center, umaabot sa 140,000 indibidwal ang napipilitang lumikas at lumayo sa kanilang tahanan dahil sa pagpapalayas ng mga kumpanya ng minahan, digmaan at mga natural disasters.
Una nang kinondena ng Santo Papa Francisco sa kanyang Laudato Si ang ginagawang pagpapalayas sa mga katutubo sa kanilang Ancestral Lands, dahil sa pagpapapasok ng mga negosyo tulad ng plantasyon at mga pagmimina.